(Para sa kanyang 5 anak) MAMANG BARBERO TIYAGA ANG PUHUNAN

BAGAMAN hindi nakapagtapos ng pag-aaral si Charlie Yecyec na tubong Bohol at 42-taong gulang ay isa naman siya sa magaling na barbero sa lungsod ng Makati.

Kuwento ni Charlie taong 1994 nang magtungo siya sa Maynila at tumira sa kapatid dahil sa ayaw na nitong mag-aral sa Bohol.

Halos 27-taon sa kanyang pagiging isang barber na kahit walang karanasan at kaalaman sa paggugupit ay naglakas-loob siyang pasukin ang trabaho sa barbershop.

Pagbabahagi ni Charlie, noong una ay tatlong Barbershop ang kanyang pinapasukan dahil sa pinaalis agad siya dahil sa hindi pa nga siya marunong maggupit ng buhok at mag-ahit.

Sa pagnanais na matutong maggupit, pinanonood niyang mabuti ang paraan ng paggugupit ng mga barbero na hanggang isang araw ay mapabilang din siya sa magaling na mang­gugupit.

Sa kasalukuyan ay namamasukan siya sa 3F Sister  Barbershop at kung bibilangin ang kanyang pamamasukan dito ay mayroon na rin dekada.

Nagpapasalamat siya sa kanyang pinapasukan ngayon dahil sa libre ang kanyang tirahan, libre ang tubig at kuryente kaya ang tanging gastos lamang niya ang kanyang pagkain su­balit kung minsan o madalas ay libre din ang pagkain na ipinagkaloob ng kanilang amo.

50/50 ang hatian ng kita sa naturang barbershop na pinapasukan ni Charlie at ang tanging kailangan lamang niyang i-produce ay ang razor at gunting dahil sagot na ng may-ari ng barbershop ang pulbo, tissue, blade at iba pang ka­gamitan na gamit ng isang barbero.

Laking pasasalamat ni Charlie dahil nang makilala siya at gumaling siyang manggupit ay kumikita siya sa isang araw ng P1,000 bukod pa sa tip ng mga customer na mas higit pa sa kanyang kita sa isang araw.

Gayundin, aniya, dumarating din naman ang mga panahon na mababa lang ang kita subalit hindi siya nabobokya sa tip ng customer dahil nakakatanggap siya ng kabuuang tip na P300.

Nasa probinsiya naman ang mga anak at pamilya ni Charlie kung kaya’t obligado naman siyang magpadala dito ng  P5,000 hanggang P7,000 kada Linggo depende sa kanyang kita.

Si Charlie kasi ay may limang anak na ang kanyang panganay ay 20 taong gulang na at ang kanyang bunso naman ay tatlong taon gulang pa lamang.

Hindi rin naitago ni Charlie ang malaking epekto ng pandemyang dumaan dahil sa nabawasan ang kanyang kita dahil sa sarado ang barbershop ay tumatambay na lamang siya sa labas nito.

At dahil sa kilala na siya at mayroong mga suki ay nagpapa-home service na lamang sa kanya ng gupit kung kaya’t kahit paano ay hindi mawalan ng kita si Charlie.

Lumiit man ang kanyang kita dahil sa hindi naman regular ang mga ito, masuwerte siya na kahit sarado ang kanyang pinapasukang barbershop ay patuloy pa din ang pagbibigay ng kanilang amo ng libreng tulugan, kuryente, tubig at pagkain.

Kaya naman, nabawasan ang halagang ipinadadala niya sa kanyang pamilya na kung saan ay umaabot na lamang ng P2000 kada Linggo.

Aminado rin si Charlie na nakakapangutang din siya dahil sa mayroong biglaang pangangailangan subalit ang lahat ay dinaan na lamang niya sa lakas ng loob, tiyaga, diskarte at pananampalataya sa Poong Maykapal.

Sa pinapasukan Barbershop ni Charlie ay nagbubukas ng alas-7 ng umaga at nagsasara naman sa alas-7 ng gabi na minsan ay nalilipasan siya ng gutom dahil sa may oras puro suki niya ang nagpapagupit.

Umaabot naman sa 20 minuto ang pinaka-maikling oras na ginugugol ni Charlie sa paggupit ngunit kung minsan ay may matagal depende sa gupit o style ng buhok.

Ayon kay Charlie, ang pinakamahirap gupitan ay ang mga bata dahil kaila­ngan mo ang dobleng pag-iingat dahil sa kanilang kalikutan o kaya ay umayaw sa pagpapagupit.

Laki naman ng pasasalamat ni Charlie sa Panginoon dahil sa kabila ng malayo siya sa kanyang pamilya ay kailanman ay hindi siya nalimutan nitong gabayan gayundin ang kanyang mga mahal sa buhay. CRISPIN RIZAL