INILATAG na ni Masbate 1st District Rep. Richard Kho, isang abogado na tumatakbong gobernador sa tiket ng administration party na Lakas CMD ang kaniyang 3 main point agenda para sa mga kababayan nito sakaling palarin na manalo sa May 2025 polls.
Sa panayam sa kaniya ni Lynie Lim, miyembro ng local media, sinabi ni Kho na layon nitong maitaguyod ang pag-unlad, pagkakaisa at pagbutihin ang kalidad ng buhay ng mga Masbateño.
Ang kaniyang plano ay nakatuon sa pagpapatupad ng iba’t-ibang programa, proyekto at pag-unlad ng imprastraktura susog sa pundasyong itinatag ng kaniyang amang si Governor Antonio Kho.
Ang sumusunod ay ang mga prayoridad ni Rep. Kho:
- Pagpapabuti ng mga serbisyo sa kalusugan, pagpapalawak ng kapasidad ng mga ospital at pagbibigay ng kalidad na pangangalagang pangkalusugan sa lahat ng Masbateño.
- Pag-unlad ng imprastraktura upang mahikayat ang mga negosyo, lumikha ng mga oportunidad sa trabaho, at pagbutihin ang kabuhayan.
- Pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon, pagbibigay ng mga oportunidad sa lahat at pagtutulungan sa mga ahensiya ng gobyerno upang ipatupad ang mga programa na nagtataguyod ng mas magandang edukasyon.
Ang mga prayoridad na ito ay nagtutugma sa kaniyang rekord sa paggawa ng batas na kinabibilangan ng pagtataguyod ng accessible na pangangalagang pangkalusugan, kalidad ng edukasyon at mga oportunidad sa trabaho.
Bilang Kinatawan ng Unang Distrito ng Masbate, nagawa na ni Kho ang mga hakbang sa larangan ng edukasyon kasama ang pagpapakilala ng CHED SMART Scholarship Grant na nagbigay ng P25,000 sa 66 mag-aaral sa kolehiyo.
RUBEN FUENTES