Dadaan sa butas ng karayom ang intelligence funds ng law enforcement agencies.
Ito ang tiniyak ni Sen. Sherwin Gatchalian.
Sinabi ni Gatchalian na bubusisiin niya ang intelligence funds ng mga law enforcement agencies ng bansa sa pagsalang ng mga ito sa pagdinig ng 2025 budget.
Ito ay kasunod ng naging pagtakas ni dating Bamban, Tarlac Alice Guo sa bansa.
Sinabi ng senador na bigo ang intel kaya nakatakas ng Pilipinas si Guo Hua Ping o Alice Guo at ang iba pang mga kasabwat nito nang hindi man lang nade-detect ng mga awtoridad.
Ayon kay Gatchalian, talagang may pagkukulang ang mga law enforcement agencies pagdating sa intelligence matapos makatakas ang mga Guo sa bansa.
Dahil dito, siniguro ng mambabatas na hihimayin niya nang husto ang intelligence funds ng mga ahensya. Aalamin niya kung paano ito ginastos at paano sila bumubuo ng epektibong intelligence network.
Ipinunto pa ng mambabatas na nagkaroon man ng sabwatan o kapalpakan sa ating intelligence, dapat aniyang may mapanagot sa kabiguang ito lalo’t malayang nakalipat-lipat ng ibang lugar at nakasakay sa pantalan sina Alice Guo.
LIZA SORIANO