MAKARAANG pulungin ang kanyang gabinete sa National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) sa Camp Aguinaldo, Quezon City, hinggil sa epekto ng pagtama ng Super Typhoon Karding sa bansa ay nagsagawa ng aerial inspection si Pangulong Bongbong Marcos.
Ikinagalak ng Pangulo na walang naitalang casualties sa mga residenteng dinaanan ng Bagyong Karding dahil sa maagang preemptive evacuation ng mga local government units.
Gayundin ang maagang prepositioning ng government assets sa mga lugar natatamaan ng bagyo.
Aniya, ang maagap na pagkilos ng lahat ang dahilan kaya hindi gaanong naitala ang disgrasya.
“Preparation is the key,” ayon sa Pangulo.
Pinangunahan ni Department of National Defense Officer-in-Charge and NDRRMC Chairperson Senior Undersecretary Jose C. Faustino Jr. ang briefing para kay PBBM.
Kasunod nito, naglabas ng kanyang direktiba ang Pangulo sa lahat ng concerned government agencies para sa kinakailangan aksyon sa mga lugar na nasalanta ng Typhoon ‘Karding’ (international name: Noru) bago ito nagsagawa ng aerial inspection para sa damage assessment.
Bukod sa pagtiyak sa DSWD na may sapat na food supply at tubig na maiinom ang mga tao na nanatili sa mga evacuation area ay inatasan din ni Pangulong BBM ang PAGASA na tiyaking may advisory ang NIA at Manila Water Sewerage System (MWSS) sa publiko lalo na sa naapektuhan ng residente, bago ang pagpapakawala ng tubig ng mga dam.
Nabatid na bago pa manalasa ang bagyo ay nagpakawala na ang NIA ng tubig sa Magat Dam at maging ang Ipo Dam para mabawasan ang epekto ng bagyo sa water system.
Samantala dahil mabilis ang kilos ng bagyo, kahapon hanggang ala-1 ng hapon ay nasa West Philippine Sea na ang bagyo at tanging Tropical Cyclone Signal Number 1 na lamang ang babala nito. VERLIN RUIZ