LAGUNA-UPANG maging mabilis ang resulta ng pag-iimbestiga sa pagbagsak ng 8-seater Bell 429 na sumugat kay Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Archie Francisco Gamboa at pitong iba pa, magpapasaklolo ang nasabing organisasyon sa mga foreign expert.
Ang hakbang, ayon kay Police Regional Office-10 Director, BGen. Rolando Anduyan ay alinsunod sa nais ni Gamboa na mahimay na mabuti ang imbestigasyon at kailangan ang “expert minds” hinggil sa nasabing trahedya na naganap noong Marso 5 ng umaga sa Brgy. San Antonio, San Pedro, Laguna.
Magugunitang noong araw ding iyon, sa verbal instruction ng tumayong pansamantalang PNP caretaker/OIC na si Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan, Deputy Chief for Administration, ay pinabuo nito ang Special Investigation Task Group (SITG) Bell 429 na pinamunuan naman ni Lt. Gen. Guillermo Eleazar, Deputy Chief for Operations, upang imbestigahan ang pagbagsak ng P435-million chopper.
Si Eleazar ay nagtungo sa crash site noong Marso 6 at sinabing wala siyang timeline para sa resulta ng imbestigasyon, subalit tiniyak na titingnan ang lahat ng anggulo.
Sinabi naman ni Cascolan na ngayong araw ay tatanungin niya ang resulta ng imbestigasyon.
Sinabi ni Eleazar na mayroong tatlong anggulo nang sinisilip ang SITG tungkol sa insidente.
Samantala, isa sa inaasahang iimbitahin para sa imbestigasyon ang Bell Helicopter and Korea Aerospace Industries dahil ito ang may mga sapat na kaalaman sa kanilang mga produkto. Magugunitang tutulong na rin ang Civil Aviation Authority hinggil sa imbestigasyon sa nasabing pagbagsak ng chopper. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM