IPINAPANUKALA ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee, na bigyan ng ‘cash transfer’ ayuda ang 20% ng pinakamahihirap sa Luzon na naiipit sa ‘enhanced community quarantine’ ng pamahalaan laban sa pananalasa ng COVID-19.
Sa kanyang ‘aide memoire’ sa pamunuan ng Kamara, sinabi ni Salceda na kasama sa panukala niyang “Pantawid Family Quarantine Program,” ang pagbibigay ng “13th month cash grant,” para sa mga benipisiyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), at isang taong ‘advance’ para naman sa mga pamilyang nasa ilalim ng ‘Unconditional Cash Transfers (UCT) program’ sa panahon ng pinaiiral ang quarantine.
Ayon sa mambabatas, isa sa mga unang nagpanukala ng ‘lockdown’ laban sa COVID-19, ang pinakamahihirap na 20% ng populasiyon ay hindi tatagal sa ilalim ng ‘enhanced community quarantine’ kung walang ayuda ng pamahalaan dahil karamihan sa kanila ay walang matatag na hanap-buhay kaya magugutom kung hindi malayang makakakilos.
Sa isang panayam sa radio, sinabi ni Salceda na “ang pagpapanatili sa mga mahihirap sa kanilang tahanan ay mangangailangan ng tulong ng gobyerno para mabuhay ng marangal, kaya kailangang bigyan sila ng mga insentibo upang mapasunod nang maayos, dahil ang mga walang kaya, kailangan nila ng ayuda para hindi lumabas at maghanap-buhay para sa kanilang pamilya na maaaring maging dahilan ng pagkahawa at pagkalat nila ng COVID-19,” paliwanag niya.
May dalawang bahagi ang panukala, una ay ‘13th month 4Ps grant’ na aabot sa P6-bilyon para sa 2.54 milyong pamilyang kasapi ng 4Ps sa Luzon; at ikalawa ay isang taong ‘advance’ na aabot sa P3,600 bawat isa sa 6.2 milyong pamilyang benepisiyaryo ng UCT sa ilalim ng TRAIN law na karamihan ay walang regular na hanap-buhay.
Sinabi pa ng mambabatas na hindi ito gaanong magiging mabigat dahil may laang pondo na rito sa ilalim ng 2020 pambansang badyet.
Naka-target na ang mga tatanggap ng ayuda na bumubuo sa ibabang kalahati ng pinaka-mahihirap; nakalista at kilala na ang magiging benepisiyaryo.
“Magkasama, pakikinabangan ang dalawang programang ito ng walong milyon o 66% ng 12 milyong pinakamahihirap na pamilya sa Luzon. Ang natitirang apat na milyon ay kabilang sa 10% ‘middle-middle class’ o hindi gaanong mahirap,” dagdag niya.
“Naniniwala din akong kailangan ang ‘supplemental appropriations’ dahil napatunayan sa Family Income and Expenditure Survey na ang pang-limang bahagi ng pinakamahihirap na pamilya ay walang ipon at kung mayron man at sapat lamang sa 20 araw na pangangailangan nila.Limas na limas ang ipon ng mahihirap, ngunit tama ang desisyon na mag-quarantine. Sa totoo lang, makakatulong ang mga panukalang hakbang na ito upang mailigtas ang 1,565 buhay na maaaring iyo o mga mahal mo. Kung walang ‘lockdown,’ maaaring bumagsak ng 4.13% ang GDP dahil sa ‘mass transmission’ ng COVID-19 na magiging 2,95% lamang kung may ‘lockdown.’ Ang naturang mga panukala ay magliligtas ng maraming buhay at sa ekonomiya,” paliwanag ni Salceda.
“Para sa mga manggagawa sa gobiyerno, maaaring bigyan sila ng 30 araw na bayad na ‘sick leave’ ngunit para sa mga manggagawa sa pribadong sektor, kailangan ang batas ng laang halaga, kaya kailangang may sesyon ang Kongreso, kahit ‘virtual’ lang para walang mga pisikal na pagpupulong. Nagpapasalamat ako sa Speaker na tinanggap ang aming mga panukala,” dagdag niya.
Dating gobernador si Salceda ng Albay kung saan nasubukan na niya ang bisa ng ipinanunukala niyang mga hakbang sa pagtugon sa mga kalamidad.
Comments are closed.