INIHAYAG ng Bureau of Corrections (BuCor) na ipatutupad na ang cashless transaction scheme para sa mga bilanggo bilang bahagi ng kanilang programa laban sa korapsyon at iba pang iligal na aktibidad na may kaugnayan sa cash transactions sa loob ng mga bilangguan.
Mismong si BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. ang nanguna sa rollout nito sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City kasabay ng pagdiriwang ng ika-93 founding anniversary nito.
Paliwanag ni Catapang na ang cashless ay gumagana kung saan bibigyan ng passbook ang bawat inmate para ma-record ang kanilang perang natatanggap at ginagastos.
Ang naturang pera ay maipapadala sa pamamagitan ng mobile wallet at papasok sa naturang system sa ilalim ng pangalan ng inmate na maaaring gamitin pambili sa mga tindahan sa loob ng prison facility o iba pang mga services tulad ng laundry, manicures pedicures, pagpapagupit, masahe at iba sa pamamagitan lamang ng pagpindot sa mga kiosk at pag-scan sa kanilang fingerprints.
Aniya, ang polisiyang ito ay hindi lamang para sa mga bilanggo kundi pati na rin sa pagbabawal sa mga corrections officer na magdala ng cash sa loob ng mga piitan na layuning maitanim ang disiplina sa lahat ng mga tauhan ng BuCor.
Samantala, sa ngayon ay tanging sa Correctional Institution for Women pa lamang naipapatupad ang cashless system ngunit sa lalong madaling panahon ay asahan nha rin aniya ang magiging implementasyon nito sa new bilibid prison at maging sa iba pang prison ang penal farms sa bansa sa ilalim ng BuCor.
EVELYN GARCIA