ANG taunang book fair na Manila International Book Fair (MIBF) ay gaganapin ngayong 2023 mula ika-14 hanggang ika-17 ng Setyembre sa SMX Convention Center Hall 1 to 4 sa Pasay City mula alas-10 n.u. hanggang alas-8 n.g.
Libre ang entrance sa nasabing event, kailangan lamang na mag-register online hanggang ika-8 ng Setyembre. Bisitahin ang website o FB page ng MIBF para sa registration link. Ang iyong e-ticket at QR Code ang magsisilbing gate pass upang makapasok sa MIBF.
Ang MIBF ang pinakamatagal at pinakamalaking book fair sa bansa. Dinarayo ito ng mga book lover dahil sa napakaraming librong mabibili at kaganapang matutunghayan dito. Higit sa 200 exhibitors ang kasali sa MIBF 2023, kabilang na ang malalaking publishers gaya ng Anvil, Adarna Books, at Summit Books, pati na mga bookstores gaya ng Fully Booked. Kasama rin ang mga imprenta, foreign publishers, mga embahada, arts and crafts suppliers, mga grupo ng mga manlilikha, mga silid-aklatan, at iba pa.
Kabilang din sa MIBF ang iba’t ibang booth para sa mga audio/video educational materials, games and puzzles, software, digital solution providers, at iba pang kumpanya at supplier sa larangan ng edutech.
Pinaka-exciting sa lahat ang mga pocket events gaya ng talks at lectures, panel discussions, storytelling sessions para sa mga bata, mga book launch at book signing, workshops at demonstrations, art presentations, at marami pang iba.
Kaya magkita-kita tayo sa MIBF. Ihanda ang badyet at siguraduhing safe tayo sa pamamagitan ng pagsunod sa nakagawiang health protocols.