PARA SA MGA FILIPINO

MASAlamin

NGAYONG naayos na ang gusot sa speakership ng Kamara de Represen­tante, inilatag na ni Ta­guig-Pateros Congressman Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na kanyang isusulong na maipasa sa kanyang 15 buwan na termino bilang unang Speaker ng 18thCongress.

Bago pa man naayos ang isyu  ng Speakership sa pagitan nila ni Congressman Lord Allan Jay Velasco at magsimulang magtrabaho ang darating na Kongreso, nagsimula nang  tumulong si Ca­yetano kay Pangulong Duterte kung paano maisasakatuparan ang plano ng kanyang admi­nistrasyon na ilatag ang mga dapat gawin para maging maginhawa ang buhay ng bawat Filipino.

Kaya naman ang inuna ni Cayetano ay ipakilala sa mga bagong kongresista ang mga se­nior Cabinet secretaries na katuwang ng Pangulo sa pagtupad ng planong ito.  Ito ang ginawa ni Cayetano ng imbitahan niya sina Secretary Sonny Dominguez ng Department of Finance at si Secretary Mark Villar ng Department of Public Works and Highways sa seminar para sa mga bagong mambabatas sa Clark, Pampanga kama­kailan.

Nang  magpa-seminar  si Cayetano at ilang mga beteranong mambabatas para sa mga bagitong cong­ressman, hindi pa noon naaayos ang kasunduan nila ni Velasco sa speakership. Pero ‘eto ang sinabi ni Cayetano sa mga kapwa niya mambabatas na nandoon:  “Hindi speaker­ship ang pinag-uusapan natin dito, kundi isang better Philippines.”

Bilang incoming Speaker, alam na ni Ca­yetano kung ano ang mga dapat unahing economic bills na makaka­tulong para matupad ang mithiin ng Pangulo na maginhawang buhay para sa lahat ng Filipino.

Isa na rito ang pagpasa ng natitirang tax reform packages ng administras­yon, una na ang panukalang batas na pagbawas ng buwis na pinapataw sa mga negosyo para makaakit ng mas marami pang foreign investments sa bansa.

Ayon kay Cayetano, kasama rito ang pagsasaayos ng magulong sistema ng pagbibigay ng mga incentive sa mga investor, para matiyak na ang mga tax exemption o discounts na binibigay sa kanila ay napapakinabangan ng ekonomiya at lilikha ng maraming trabaho.

Ang natitirang tax reform package na magsasaayos sa sistema ng paglalagay ng halaga sa real estate properties at pagbawas ng napaka­rami at magulong tax rates ng capital income, tulad ng mga interes ng savings accounts sa bangko, ay nasa listahan din ni Cayetano.

Ang pagsasaayos ng sistema sa paglalagay ng “value” o halaga sa real estate property ay makatutulong sa mga lokal na pamahalaan na palawakin ang kanilang kita nang hindi nagtataas ng buwis at makatutulong din para maresolba na ang mga problema sa right—of-way na nakakaantala sa mga infrastructure projects ng gobyerno, ayon kay Cayetano.

Andyan din ang panukalang pagtataas ng buwis sa beer at iba pang alcoholic drinks para mapunan ang kakulangan sa pondo ng Universal Health Care program at mabawasan ang binge drinking sa panig ng mga kabataan na isusulong rin ni Cayetano sa Kongreso.

Ayon kay Cayetano, may mga iba pang batas tulad ng mga pag-amiyenda sa  Public Service Act. Retail Trade Act at Foreign Investments Act. na naluma na ng panahon at kailangan ng baguhin ang ilang probisyon para dumami pa ang foreign investors na papasok dito at makapagbigay ng disen-teng trabaho sa maraming Filipino.

Sa unang tingin, mukhang malayo sa sikmura ang mga panukalang batas o bills  na ito at mukhang mga negosyante at investors lang ang makikinabang. Pero ayon kay Cayetano, ang pinakaimportanteng layunin ng mga ito ay lalo pang palaguin ang ekonomiya, makalikha ng maayos na trabaho na maganda ang kita para sa mga Filipino at maging abot-kamay para sa kanila ang mataas na kalidad na serbisyo.

Ang target ni Cayetano ay maipasa ang mga bills na ito sa loob ng kanyang 15 buwan na pagkakaupo bilang Speaker at maipagpatuloy ito ng susunod sa kanya–si Velasco na uupo sa natitirang 21 buwan–hanggang maisabatas na lahat ang mga ito.  Ayon kay Ca­yetano, ang mga panukalang batas na ito ang titiyak na matutupad ang plano ng Pangulong Duterte na mailatag ang pundasyon para sa maginhawang buhay ng bawat Filipino.

Comments are closed.