PARA SA MGA MAGSISIPAGTAPOS

MAY mga kabataan tayong magtatapos ng hayskul at kolehiyo ngayong mga panahon na ito at hangad ko para sa kanilang lahat ang magandang bukas at tagumpay sa napili nilang larangan.

Para sa mga magulang, napakahalaga na gabayan natin ang ating mga anak ngunit hindi rin mabuting ipilit natin ang ating sariling desisyon para sa kanila, lalo na sa mga mahahalagang bagay kagaya ng pagpili ng karera o kurso. Bigyan natin sila ng sapat na kalayaang magdesisyon para sa kanilang sariling buhay basta’t hindi naman makasasama sa kanila ang kanilang mga desisyon.

Mahalaga na gusto nila ang kurso o larangan na kanilang papasukin, at mahalaga rin na masaya sila rito upang maibigay nila ang nararapat na panahon at lakas sa bagay na kanilang nais. Dito nagsisimula ang tagumpay—ang paggawa ng mga bagay na malapit sa puso natin at hindi iyong napipilitan lamang tayo dahil gusto nating kumita ng pera o dahil kailangan o dahil idinikta ng iba.

Para sa mga magsisipagtapos naman, importante ang paglalaan ng lakas, oras at talino sa ating napiling kurso o trabaho. Walang shortcut sa tagumpay, ika nga. Paghihirapan talaga natin ang mga bagay na mahalaga sa atin. Higit sa lahat, ingatan natin ang ating integridad, ang ating magandang pangalan. Ito lamang ang mayroon tayo, anumang larangan, karera, o gawain ang ating pasukin. Dala-dala natin ang ating magandang pangalan hanggang sa huli.

Huwag din natin sanang kalimutang maglingkod sa bayan, sa komunidad. Give back, ika nga. Tumulong tayo sa ating kapwa sa abot ng ating makakaya, at ipagtanggol ang kalayaan at kapakanan ng bayan sa lahat ng pagkakataon.

Isang mainit na pagbati sa lahat ng magsisipagtapos!