(Para sa mga manggagawa – ITUC report) PH SWAK SA TOP 10 WORST COUNTRIES

job seekers

SA ika-8 sunod na taon, ang Pilipinas ay pasok sa Top 10 list ng ‘worst countries‘ para sa mga manggagawa ng Brussels-based International Trade Union Confederation (ITUC), na tinukoy ang red-tagging at pagpaslang sa Filipino labor unionists.

Sa 2024 Global Rights Index nito, binigyan ng ITUC ang Pilipinas ng iskor na 5, na nangangahulugan na “No Guarantee of Rights.”

Nire-rate ng ITUC ang mga bansa batay sa mga iskor na 1 (Sporadic Violations of Rights) hanggang 5+ (No Guarantee of Rights Due to the Breakdown of the Rule of Law).

Ang mga bansa na may iskor na 5, tulad ng Pilipinas, “are the worst countries in the world to work in.”

Para sa mga bansang ito, sinabi ng ITUC na, “While the legislation may spell out certain rights, workers have effectively no access to these rights and are therefore exposed to autocratic regimes and unfair labor practices.”

Kasama ng Pilipinas sa  Top 10 worst countries para sa mga manggagawa ngayong 2024 ang Bangladesh, Belarus, Ecuador, Egypt, Eswatini, Guatemala, Myanmar, Tunisia, at Turkiye.

Ang Pilipinas ay nasa 10 worst countries for workers list ng ITUC magmula noong 2017.

“Workers and unions in the Philippines remained at the mercy of red tagging (being blacklisted by the government as a communist subversive and branded an extremist), violence, abductions, and arbitrary arrests,” ayon sa ITUC.

“In 2023, two prominent trade unionists were murdered. The government fostered a climate of fear and persecution, silencing the collective voice of workers. Workers across many sectors still faced significant obstacles when attempting to form trade unions,” anito, binanggit ang pagpatay kina Alex Dolorosa, organizer sa BPO Industry Employee Network, at Jude Thaddeus Fernandez, organizer mula sa Kilusang Mayo Uno (KMU).