MATAGUMPAY na naipuwesto ng Philippine Coast Guard (PCG) ang limang buoy o marker sa West Philippine Sea bilang gabay sa mga barko at mangingisda sa pag-navigate sa exclusive economic zone ng bansa.
Noong nakaraang linggo pa nailagay ang limang marker saan sinabi ng PCG na bawat marker ay inilagay malapit sa Lawak Island, Likas Island, at Parola Island habang inilagay malapit sa Pag asa Island ang dalawa rito.
Tiniyak naman ni PCG Commandant Admiral Artemio Abu na wala naman nangyaring tensyon nang isagawa ang aktibidad maging ang China Coast Guard ay nakasubaybay dito.
“Limang barko ng Coast Guard ang nandoon. One week sila doon. Ang guidance ko sa kanila, unahan niyo sila, tayo ang mag-challenge sa kanila. So ano nangyari? E tayo nagcha-challenge, hindi naman sila nagre-reply,” pahayag ni Abu.
Ngayong araw ay magsasagawa ng arrival honors ang PCG para sa task force ng Coast Guard na matagumpay na nailagay ang limang buoy sa West Philippine Sea.
Ang mga barko ng PCG ay lalahok sa Regional Marine Pollution Exercise (MARPOLEX) 2022 sa Indonesia sa May 22 hanggang 29.
Susubok sa kakayahan ng mga coast guard ng Pilipinas, Indonesia at Japan sa pagtugon sa mga oil spill ang nasabing pagsasanay.
Ang pinakabago at pinakamalaking multi-response vessel ng PCG, ang BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701), ay lalahok sa MARPOLEX 2022.
Ang iba pang barko ng PCG na sasama sa nasabing pagsasanay ay ang BRP Gabriela Silang (OPV-8301), BRP Malapascua (MRRV-4403) at BRP Cape Engaño (MRRV-4411). BETH C