BAGO pa tuluyang maipatupad ang National ID’s system sa buong bansa, pinasisimulan na sa lungsod ng Maynila ang implementasyon ng ‘Manila Resident Information System (MRIS) ID card’ sa lahat ng residente ng lungsod na gagamitin sa transaksiyon sa mga pampubliko at pribadong tanggapan sa siyudad.
Ito ang naging pahayag ni Manila Mayor Isko Moreno kung saan gagamit ang lokal na pamahalaan ng ID system na madaling i-maintain, hanapin at ilagay ang records ng mga residente.
Ang nabanggit na ID ay magiging balido sa loob lamang ng hanggang isang taon.
“Institutionalizing the Manila city identification system will improve the delivery of the basic needs and services in the city, making it faster, more efficient, and more convenient on the part of the residents and stakeholders as well,” ayon kay Moreno.
Ang pagbuo ng MRIS at ang implementing guidelines nito ay napapaloob sa isang city ordinance na inakda ni second district Councilor Numero Lim at majority floorleader Joel Chua.
Ayon kay Lim, sa pamamagitan ng MRIS ay maitatatag ang isang City Information System at maaring magamit na basehan ng konseho sa pagbuo ng mga polisiya, programa, at mga proyekto para sa kapakanan ng mga residente.
Ayon kay Moreno, sakop ng MRIS ang lahat ng residente ng Maynila na nakatira sa lungsod sa loob ng 6 na buwan bago ang aplikasyon.
Ipinaliwanag ni Moreno na kinakailangan na mag-submit sila ng proof of resident gaya ng balidong ID cards, birth certificate, utility bill, proof of lease, pay slip o kaya ay passport para maisyuhan ng MRIS card.
Sinabi ni Moreno na siya ang tanging signatory sa MRIS ID Card. Ang iba pang detalye na makikita rito ay ang mga sumusunod: seal at logo of Manila; name, photo and signature of bearer; sex; blood type; address; birth date; contact person in case of emergency; name of father, mother, wife’husband and children if any; voters ID reference; date of MRIS issuance and validity at unique identification number. VERLIN RUIZ
Comments are closed.