(Para sa naulila, survivors ng bumagsak na C-130) P1.83-M ALLOWANCE NG NAVY IBINIGAY SA ARMY

IPINAGKALOOB ng Philippine Navy (PN) ang katumbas ng kanilang isang araw na pagkain o subsistence allowance na umaabot sa P1,830, 806.25 para sa mga naulilang pamilya ng mga sundalong nasawi sa bumagsak na C-130 Hercules cargo plane sa Jolo, Sulu noong Hulyo 2021 at maging sa kanilang mga comrades-in-arms na nakaligtas sa sakuna.

Ang nasabing donasyon ay hahatiin ng pantay pantay sa next of kin ng 38 sundalo ng Philippine Army na nasawi at sa forty-six survivors.

Nabatid na nagbigay na ang Philippine Marine Corps ng kanilang donasyon.

Mismong si PN Chief of Naval Staff Rear Admiral Caesar Bernard Valencia ang nag-abot ng P1.83 milyong cash assistance para sa pamilya ng mga nasawi at mga survivor.

Tinanggap naman ni Chief of Staff, Philippine Army (CSPA) Maj. Gen. Roberto Capulong ang nasabing donasyon mula kay Rear Admiral Valencia matapos ang ginanap na arrival ceremony sa Headquarters Philippine Army, Fort Bonifacio, Metro Manila.

“The donation is from the pooled one-day worth of mess allowance of PN personnel nationwide,” ani MGen. Capulong.

“This donation will go a long way in providing medical assistance to the survivors and financial assistance to the dependents of our fallen heroes,“ dagdag pa nito.

Magugunita, noong Hulyo 4, 2021, isang C-130 Hercules na lumipad mula Cagayan de Oro City para maghatid ng newly trained soldiers mula sa Army ‘s 4th Infantry Division sa Sulu para palakasin ang kampanya ng military laban sa Abu Sayyaf bandits ang bumagsak nang tangkain nitong lumapag na ikinasawi ng 38 Army troops at pagkasugat ng 46 iba pa.

Gayundin, maging ang Philippine Air Force (PAF) ay magsasagawa rin ng kahalintulad na aktibidad sa mga susunod na araw. VERLIN RUIZ