(Para sa New Year’s countdown) PAGPAPALIPAD NG 130K LOBO PINATITIGIL

balloon

UMAPELA  ang environmental group sa  planong pagsasagawa ng “largest balloon drop”  ng Cove Manila sa loob ng Okada Manila  para sa pagtatangka  sa  Guinness World Record.

Iginiit ni EcoWaste Coalition national coordinator Aileen Lucero na dapat bigyan ng konsi­derasyon at pag-isipang mabuti ang pagdaraos ng nasabing event dahil  makadaragdag  sa dami ng basura sa bansa ang pagpapakawala ng mahigit 130,000 lobo sa  New Year’s Eve countdown.

Ang nasabing event ay  idaraos sa  New Year’s Eve Countdown Party  na pangungunahan ng international dance music icon na si Pete Tong.

Marami ring netizen ang tumutol sa naturang event at maging ang Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Habang isinusulat ang balitang ito ay ipinatitigil ng DENR ang balak ng Cove Manila  at ayon kay  DENR  Secretary Roy Cimatu, ang planong “largest balloon drop” sa Okada ay magdudulot ng malaking problema sa basura.

Paliwanag naman ng  Cove Manila, biodegradable ang mga gagamiting lobo at pinlano ito nang may solid environmental management protocols.

Plano rin nilang i-recycle ang mga lobo para magamit pa sa ibang bagay o pagkakataon.

Sa kabila nito ay iginiit ng environmental group na  gawa sa rubber ang lobo kung kaya’t imposible itong ma-recycle.

Marami rin naman aniyang ibang paraan para ipagdiwang at salubungin ang Bagong Taon.

Matatandaang inimbitahan ng Cove Manila ang publiko  para saksihan ang  pagtatangka nila sa Guinness  na magpakawala ng 130,000 mga lobo sa Okada Manila sa  Parañaque City. AIMEE ANOC

Comments are closed.