DAVAO CITY – Plano ng Mindanao Development Authority (MinDA) na palakasin ang pakikipagtulungan sa Department of Tourism (DOT) upang isulong ang iba’t ibang travel packages sa buong island region kasunod ng anunsiyo ng Consulate General of Japan dito na kumikilala sa Mindanao bilang ligtas na travel destination.
Sa panayam ng Philippine News Agency nitong Biyernes, sinabi ni Secretary Leo Tereso Magno na ang partnership ay maghahanay sa tourism promotion sa investment objectives at magkakaloob ng mga oportunidad sa Mindanao.
“These itineraries will highlight iconic locations, emerging eco-tourism sites, and successful local enterprises,” aniya.
Ayon kay Magno, ang MinDA ay magsasagawa rin ng investment roadshows sa targeted businesses at multinational companies, tampok ang infrastructure, renewable energy, agriculture value chain, at tourism.
Sinabi niya na magpapatupad ang MinDA ng multifaceted strategy upang isulong ang Mindanao bilang isang vibrant destination para sa investment and development, sumusuporta sa isang international marketing campaign at gumagamit ng online platforms upang ibida ang rehiyon bilang hub para sa pangmatagalang paglago.
Noong Dec. 19 ay ibinaba ng Consulate General of Japan sa Davao ang risk levels sa ilang key areas, na nagbibigay-diin sa progreso sa pagpapabuti sa peace and order sa buong rehiyon.
Ayon kay Magno, sumasalamin ito sa mas optimistikong pananaw sa kaligtasan at katatagan ng rehiyon, na lilikha ng mga oportunidad para sa mas malakas na international partnerships.
Ang revised advisory ay nagklasipika sa mga lugar bilang Level 1— ligtas na bisitahin na may pag-iingat. Ang naturang mga lugar ay kinabibilangan ng General Santos City, Surigao City, Siargao Islands, at karamihan sa Davao Region, na sumasakop sa mga lungsod tulad ng Davao City, Mati City, at Tagum City.
“After navigating the challenges of 2024, including global economic headwinds and inflationary pressures, Mindanao is poised to rebound by capitalizing on its strategic position, diversifying the economic base, rich natural resources, and growing regional integration,” dagdag pa ni Magno.