LUMAHOK kamakailan ang Department of Labor and Employment (DOLE), kasama ang iba pang tanggapan ng pamahalaan, bilang kinatawan ng Pilipinas sa isang pulong na naglalayong isulong ang collaborative learning at pagbabahagi ng pinakamahusay na kasanayan sa mga programang panlipunang proteksiyon ng mga developing member countries (DMCS).
Pinangunahan ng Asian Development Bank (ADB), sa pakikipagtulungan ng Mongolian Ministry of Family, Labor, and Social Protection (MFLSP), ginanap ang Social Protection Forum sa Ulaanbaatar, Mongolia noong Oktubre 29-30, 2024.
Nagsama-sama ang mga kinatawan mula sa Azerbaijan, Indonesia, Mongolia, Pakistan, Uzbekistan, at Pilipinas para sa isang talakayan na nakatuon sa mga epektibong programa at pamamaraan para sa panlipunang proteksiyon na maiuugnay sa pambansang konteksto ng mga kasapi.
Ang pagpupulong ay nakasentro sa pagsaliksik sa mga estratehiya para sa pagpapabuti ng pagtukoy ng kinakailangang tulong-panlipunan, pagtataguyod ng seguridad sa pagkain at programang may kaugnayan sa nutrisyon, at pagpapahusay ng inklusibong ekonomiya sa pamamagitan ng aktibong merkado sa paggawa at mga gawaing pangkabuhayan.
Nilayon din ng mga kalahok na tugunan ang pagpapalakas ng mga serbisyong panlipunan at pangangalaga, gayundin ang pag-aaral kung paano maiuugnay ang proteksiyong panlipunan sa pagbabago ng klima para sa katatagan ng bansa.
Tumayo ang Pilipinas bilang mga tagapagsalita sa mga talakayan para sa “nutrition-sensitive programming”, aktibong merkado sa paggawa, at programang pangkabuhayan.
Kinatawan nina Labor Assistant Secretary Paul Vincent W. Añover at Planning Service Director Adeline T. De Castro ang DOLE, kasama sina Department of Social Welfare and Development Assistant Secretary Baldr Bringas at Policy Development and Planning Bureau Director Rhodoro G. Alday. LIZA SORIANO