(Para sa PMA alumni homecoming) KENNON ROAD BUBUKSAN

BAGUIO CITY BU­BUKSAN ang Kennon Road para sa gaganaping PMA Alumni Association Inc. (PMAAAI) General Assembly at PMA Alumni Homecoming sa Pebrero 18 hanggang 19.

Subalit, ayon sa PMAAI at maging ng pamunuan ng Philippine Military Academy (PMA), lilimitahan ang makakadalo sa gaganaping pagdiriwang dahil na rin sa pandemya.

Inihayag ni 1st Lt. Christine May Calima, Public Affairs Office Chief ng PMA na gagawin nilang “hybrid” ang aktibidad sa PMA grandstand na kung saan maaaring dumalo ng physical at online ang mga magsisipagtapos at limitado lamang ang bisita bilang pagsunod sa umiiral na Health and Safety protocols ng IATF at mga alituntunin ng Baguio City.

Base sa inilabas na listahan ng mga aktibidad magsisilbing mga panauhing pandangal sina Pangulong Rodrigo Duterte at House Speaker Lord Allan Velasco na dadalo ‘virtually’.

Si Pangulong Duterte ang magsisilbing homecoming speaker sa Pebrero 19, base sa sulat ni Army Capt. Maria Gianina Bionat, PMA adjutant sa COVID-19 Regional Inter-Agency Task Force (RIATF) sa Cordillera.

Habang ang ibang PMA alumni ay makikibahagi sa mga aktibidad sa pamamagitan ng video teleconference na tinatayang nasa 800 lamang na bisita ang makakapasok sa kampo.

At dahil pansamantalang binuksan ang Kennon Road ay maglalabas ang PMAAAI ng pass cards para makadaan sa mga checkpoint papasok sa Baguio City.

Kailangang fully vaccinated ang mga dadalo ng pisikal at ire-require na magprisinta ng negative antigen test na kinuha ng hindi lalagpas sa 24 oras bago papasukin sa Fort del pilar .

Ang tema ng PMAAAI General assembly at PMA Alumni Homecoming 2022 ay “Mga PMA Cavaliers:

Tunay na kaagapay ng Sambayanang Pilipino sa Panahon ng Pandemya at Kalamidad.”

Nabatid na todo paghahanda rin ang Baguio City LGU’s dahil inaasahang dadagsa ang mga turista na aakyat sa City of Pines bukod pa sa mga pulitiko na sasamantalahin ang okasyon para sa kanilang pangangampanya. VERLIN RUIZ