DUMULOG ang kinatawan ng United Nations -Food and Agriculture Organization (UN FAO) na si Dr. Lionel Dabbadie, isang eksperto sa aquaculture kay Bise Presidente at DepEd Secretary Sara Duterte kaugnay sa proyektong “forests for sustainable future.”
Si Dr. Dabbadie ay nagbigay-pugay sa Bise Presidente ilang buwan matapos manombrahan bilang kinatawan ng UN FAO sa bansa.
Tinawag na “Forests for a Sustainable Future: Educating Children,” ang proyekto ng UN-FAO, ayon kay VP Sara ay isang pagkakataon upang magkatulungan ang Department of Education, Department of Environment and Natural Resources (DENR)at FAO sa pagpapalago ng mga gubat.
Sa ilalim ng proyekto ay maagang matuturuan at mabubuksan ang kamalayan ng mga batang mag-aaral hinggil sa kahalagahan ng kagubatan sa tuluy-tuloy na food supply.
Nabatid kay VP Sara na maraming bakanteng espasyo ang DepEd na maaaring gamitin sa agricultural activities gaya ng anim na ektaryang lupain sa Leyte na pag-aari ng ahensiya na hindi nagagamit.
Aniya, sa pamamagitan ng tamang kasanayan at strategic education modules ay magkakaroon ng sapat na kaalaman ang mga batang mag-aaral upang matugunan ang kasalukuyang produksiyon ng pagkain, distribusyon at suliranin sa nutrisyon.
ELMA MORALES