NASA 73% lang ng jeepneys sa bansa ang nakapag-consolidate para sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
“As of this time, we already have 76% or 145,721 in terms of the units for UV Express and the public utility jeepneys (PUJs),” pahayag ni LTFRB board member Riza Marie Paches.
Aniya, para sa UV Express, nasa 82% na ang nakapag-consolidate habang 73.96% ang jeepneys.
Sa Metro Manila, sinabi ni Paches na base sa kabuuang bilang ng prangkisa, 51% lang ang nakapag-consolidate para sa jeepneys.
Subalit batay sa kumpirnado at rehistradong jeepney units, sinabi ni Paches na 97% o 21,685 PUJs ang nakapag-consolidate na sa Metro Manila.
Ang aplikasyon para sa consolidation ng jeepney operators sa mga kooperatiba, na bahagi ng PUVMP pamahalaan, ay nagtapos noong December 31, 2023.
Ang mga nabigong mag-aplay para sa consolidation ay hindi na papayagang mag-operate simula January 1, 2024, lalo na sa mga ruta na 60% ng PUVs ang may aplikasyon.
Ang mga pumapasada sa mga ruta na mababa sa 60% ang consolidation o may zero consolidation ay papayagan pa ring bumiyahe sa kanilang mga ruta hanggang January 31.