NANGAKONG tutulong sa pamahalaan ang tatlong airlines para mapauwi ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na nasa Middle East sa gitna ng tensiyon doon dahil sa alitan ng Estados Unidos at Iran.
Sa isang statement, sinabi ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na kabilang dito ang Philippine Airlines, Cebu Pacific, at Air Asia.
Ayon kay CAAP Director General Jim Sydiongco, pumayag ang Cebu Pacific at Philippine Airlines na i-accommodate ng libre ang mga stranded na mga Pinoy sa United Arab Emirates (UAE) o kahit anong available flights nila sa Gitnang Silangan sa oras na mailatag na ang plano para sa repatriation.
Habang ang Air Asia naman ay sumang-ayon na pasakayin sa kanilang domestic flights ang mga babalik na OFWs na kailangang umuwi sa kani-kanilang mga probinsiya.
Kasabay nito, tiniyak ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang mabilis na pagpapauwi sa mga OFW kapag lumala na ang sitwasyon.
Ani Tugade, suportado umano ng aviation sector ng DOTr ang hakbang ng pamahalaan at titiyaking walang delay sa pagpapauwi sa ating mga kababayan ng ligtas.
Mababatid na una nang ipinag-utos ng Malacañang ang pagpapauwi sa mga Filipino na nasa Middle East dahil sa lumalalang tensiyon sa rehiyon.
Comments are closed.