(Para sa SEAG preps, calamity-hit Bicol Region rehab) LE TOUR INIURONG SA HUNYO

SEAG

HINILING ng organizer ng Le Tour de Filipinas (LTdF) ang pagpapaliban sa 10th edition ng race sa layuning akti­bong makalahok sa paghahanda para sa hos­ting ng bansa sa 30th Southeast Asian Games at magkaroon ng sapat na panahon para sa rehabilitasyon ng mga lalawigan sa Bicol Region na sinalanta ng bagyo.

Ayon kay UBE Media Inc. President Donna Lina, ang  LTdF ay orihinal na nakatakda sa Pebrero 17-21— sa pagkakataong ito ay bilang isang five-stage race mula sa dating four stages.

Subalit dahil sa hosting ng bansa sa SEA Games simula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11 ngayon ding taon, binigyang-diin ni Lina ang papel na gagampanan ng LTdF sa pagtulong na maihanda ang top riders ng bansa para sa biennial multi-sport regional competitions na iho-host ng bansa sa ika-4 na pagkakataon pa lamang matapos noong 1981, 1991 at 2005.

Sinulatan na ng UBE Media ang International Cycling Union (UCI), ang world governing body para sa cycling, sa pamamagitan ng Asian Cycling Confederation at PhilCycling sa ilalim nina President Rep. Abraham Tolentino at Chairman Bert Lina, na iurong ang Le Tour sa ­Hunyo 14-18.

“The Le Tour organization wanted to help harness our cyclists to their best possible condition in time for the SEA Games,” wika ni Lina. “And because of the recent calamity that struck Camarines Sur, Albay, Sorsogon and the rest of the Bicol Region, it has become more imperative that we postpone the race.”

Ang Albay, Camarines Sur at Sorsogon ay isinailalim sa state of calamity dahil sa bagyong Usman,  na nagdulot ng mga pagguho ng lupa at malawakang pagbaha sa mga lugar na dadaanan ng race, partikular sa bayan ng Sagnay na labis na nasalanta.

“In as much as we are ecstatic to celebrate 10 years of the Le Tour, we are one in prayers that our countrymen in the Bicol Region recover fast and well from the calamity,” ani Lina.

Noong nakaraang taon, ang LTdF ay iniurong noong Mayo mula Pebrero makaraang sumabog ang  Mayon Volcano noong Enero.

Ang LTdF ngayong taon ay magsisimula sa Tagaytay City, main hub ng lahat ng  cycling disciplines—road, mountain bike at BMX—para sa SEA Games—at dadaan sa Batangas, Quezon, Camarines Norte, Camarines Sur, Albay at Sorsogon. Ang Legaspi City ang magiging host ng pagtatapos ng five-stage Category 2.2 UCI Asia Tour race.

Comments are closed.