BAGAMAT lumabas sa pag-aaral ng Forbes Advisor na panlima ang Maynila sa pinakadelikadong puntahan ng mga turista, positibo ang pagtanggap ng Philippine National Police (PNP) para rito.
Sa isang panayam kay PNP Public Information Office Chief, Col. Jean Fajardo, sinabi nitong kumikilos na ang PNP para matiyak ang peace and order sa Maynila.
Ang nasabing pag-aaral aniya ang magiging gabay nila para paigtingin ang seguridad sa Maynila.
Kabilang sa kanilang gagawin ay palakasin ang police visibility lalo na sa mga crime prone areas lalo na ang mga tourist spots.
Aalamin din ng PNP kung ano ang naging basehan ng Forbes para ituring na delikado ang Maynila kasama rin sa pagtukoy kung anong panahon iyon.
Magugunitang sa report ng Forbes Advisor, kanilang isinailalim sa pag-aaral ang 60 international cities at ang Maynila ay nakakuha ng 91.49 points sa overall risk.
Tama naman ang positibong pananaw ng PNP sa ganitong mga report dahil kasabihan na upang masolusyonan ang problema, dapat ay kilalanin muna ito.