(Para sugpuin ang kahirapan sa pagkain sa 2027) POGO HUBS GAGAWING FOOD BANKS NG DSWD

INIHAYAG ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakikipagpulong ito sa iba pang ahensya ng gobyerno upang gawing food bank ang piling Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hubs.

Layunin nitong sugpuin ang kagutuman sa Pilipinas pagsapit ng 2027.

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatcha­lian, ang paglaban sa kagutuman ay isa sa tatlong pangunahing paksa na tatalakayin nila kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa unang Cabinet meeting ng taon.

“Gusto nating siguraduhin na matuldukan ang kagutuman sa 2027. Wala pang administrasyon na nagkaroon ng tapang na mangako ng ganito” pahayag ni Gatchalian.

Ibinahagi rin niya ang tagumpay ng mga programa laban sa kagutuman partikular ang food stamp program na palalawakin ngayong taon.

“Natapos na ang pilot run at sisimulan na ang scaling up… Epektibo ang pilot program. Su­balit may ilang rekomendasyong polisiya, tulad ng pagpapabuti ng meal proportions at per capita cost” dagdag niya.

Ang programa ay ipinatutupad sa 21 pinakamahihirap, pinakagutom at may pinakama­raming kaso ng stunting na mga probinsya sa bansa.

Plano nilang dagdagan ang bilang ng benepisyaryo sa 600,000 ngayong taon mula sa 300,000 noong nakaraang taon.

RUBEN FUENTES