(Para sugpuin ang pagkalat ng COVID-19) PNP, DOH, MMDA SUMAKLOLO SA PASAY

Tripleng pagkilos ang ginagawa ng lokal na pamahalaan ng Pasay upang masugpo ang mabilis na pagkalat ng COVID-19 sa lungsod.

Ito ay napag-alaman sa namumuno ng Pasay City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) na si Miko Llorca na nagsabing ang Department of Health (DOH) ay nagpadala na ng 100 contact tracers at nurses sa mga isolation facilities at ospital sa lungsod.

Kasabay nito, nagpadala rin ng karagdagang tauhan sa lungsod ang ang Philippine National Police (PNP) upang tumulong sa pagpapatupad ng mahigpit na implementasyon ng health protocols samantalang ang Metro Manila Development Authority (MMDA) naman ay tumutulong sa pagtatayo ng mga karagdagang pasilidad.

Ayon kay Llorca, sa kanilang huling datos ay nakapagtala sila ng 465 aktibong kaso ng COVID-19 at ang 50 hanggang 60 porsiyento sa bilang ng mga bagong kaso nito ay naninirahan lamang sa iisang tahanan.

Dagdag pa ni Llorca, nakita ng lokal na pamahalaan na ang dahilan ng mabilis na pagtaas ng nakamamatay na virus ay ang kapabayaan ng ilang residente sa lungsod na hindi sumusunod sa ipinatutupad na health protocols tulad ng hindi pagsusuot ng face mask at face shield gayundin ang hindi pagsunod sa social distancing.

Napag-alaman din kay Llorca na aabot na sa 56 sa kabuuang 201 barangay sa lungsod kabilang ang dalawang establisimiyento ang kasalukuyang napapailalim sa localized community quarantine (LCQ).

Gayunpaman, nilinaw ni Llorca na sa LCQ ay tanging ang bahay lamang na may nagpositibong kaso ng COVID-19 ang hindi pinalalabas ng kanilang tahanan bahay at ang mga nagtatrabahong indibidwal ay pinapayagan naming pumasok sa kanilang pinagtatrabahuhan habang ang mga kalsada at eskinita kung saan may nagpositibo sa COVID-19 ang binabantayan ng mga kapulisan. MARIVIC FERNANDEZ

2 thoughts on “(Para sugpuin ang pagkalat ng COVID-19) PNP, DOH, MMDA SUMAKLOLO SA PASAY”

Comments are closed.