BINUKSAN ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang 7,870 slots para sa Transport Network Vehicle Services (TNVS) units upang tugunan ang tumataas na demand para sa mass transport sa Metro Manila.
Ayon sa LTFRB, 7,000 sa binuksang slots ay para sa National Capital Region, 220 para sa Region 3, 500 sa Region 5, at 150 para sa Region 6.
Nauna nang hiniling ng Grab Philippines sa ahensiya na buksan ang marami pang slots dahil ang kasalukuyang bilang ng driver-partners ay hindi sapat para tugunan ang passenger demand.
Inilabas na rin ng LTFRB ang mga alituntunin para sa accreditation.
Ayon sa LTFRB, ang application ay ‘first come, first served basis’.
Bago bumisita sa central office, ang mga aplikante sa Metro Manila ay pinapayuhang magparehistro online sa https://cpc-ltfrb.com.ph kung saan makakakuha ng reference number at e-mail confirmation.
Para sa regional offices, kailangan silang personal na bumisita sa LTFRB office kung saan magtatakda ang Regional Franchising and Regulatory Office (RFRO) ng iskedyul kada batch.
“The unit that will be used for TNVS should not be more than three years since it was bought,” ayon sa ahensiya.
“If it is under mortgage, the owner must present a Certificate of Conformity from the bank or financial institution.”