NAKUMBINSI akong makakatulong ang Dale Carnegie Course sa pag-unlad ko sa aking propesyon bilang tagapagsanay. Nag-enroll ako sa Dale Carnegie Course at natapos ko ang 14 sessions. Marami akong natutunan. Nalaman kong ang pinaka-importante para magtagumpay sa anumang gawain ay ang ating attitude. Dapat lagyan natin ng enthusiasm (kasiglahan o kasabikan) ang lahat ng ating ginagawa, kasama na ang pagsasalita sa harapan ng maraming tao.
Ang problema ng marami kaya hindi sila nagiging mahusay sa kanilang gawain, at tuloy hindi sila naaangat sa puwesto, ay dahil wala silang kasiglahan. Papatay-patay sila. Parang hindi sila interesado o hindi nila mahal ang kanilang trabaho. Parang mabigat sa kanilang kalooban ang kanilang ginagawa, kaya tuloy hindi pulido ang resulta nila. Laging palpak o kaya ay pipitsugin ang trabaho nila. Hindi natutuwa ang boss o customer nila, kaya hindi sila tinatangkilik nang tuloy-tuloy.
Para magkaroon ng kasiglahan at para maging kahanga-hanga sa iyong pagsasalita sa harapan ng maraming tao, dapat ay i-apply mo ang 3 “E” na turo ni Dale Carnegie. Ang unang “E” ay “Earn the right to speak on your topic.” (Kailangan ay mapasaiyo ang karapatang magsalita tungkol sa iyong paksa). Ang karapatang ito ay mapapasaiyo kung may mayaman ka sa paksa mo. Ikuwento mo ang sarili mong karanasan. Walang makahahadlang sa kuwento mo sapagkat ikaw ang dumanas noon.
Lahat ng tao ay mahilig makinig sa kuwento. Ang pagalawang “E” ay “Excited over your topic.” (Sabik ka dapat sa iyong paksa). Bakit ka sabik sa iyong paksa? Dahil alam mong makapagbibigay ng aliw ang iyong kuwento sa ibang tao. Dahil may magandang aral ito para sa kanila. Sapagkat ang paksa mo ay magiging pagpapala sa iyong tagapakinig. Ang pangatlong “E” ay “Eager to share.” (Sabik ka dapat magbahagi ng iyong kuwento). Kailangan ay nasasarapan kang magbahagi ng iyong karanasan. Dapat ay buhay na buhay ang iyong pagpapahayag. Gamitan mo ng masiglang kalidad ng tinig. Gamitan mo ng tamang facial expression at pagwawatiwas ng iyong mga kamay para bigyang-diin ang iyong sinasabi. Tingnan mo ang iyong mga tagapakinig habang nagsasalita ka.
In-apply kong lahat ang mga technique na ito at nakita kong maganda ang resulta. Sa klase namin, tutok na tutok kung making sa akin ang aking mga kaklase. Lagi akong nabibigyan ng gantimpala dahil ako ang binoboto ng mga kaklase ko na pinakamahusay. Sa katapusan ng kurso, ako ang pinili ng mga kaklase ko na tumanggap ng “Highest Achievement Award” at inirekomenda nila akong maging guro ng kursong iyon. Makalipas ang ilang araw, tumanggap ako ng imbitasyon mula sa Dale Carnegie Institute na maging “Graduate Assistant” ng kanilang mga lisensiyadong guro. Nagsilbi ako bilang Graduate Assistant sa dalawang takbo ng programa. Hinangaan ako ng lahat ng mga estudyante, pati na ang aking guro, dahil sa aking kasabikan sa lahat ng aking ginagawa. Makalipas ang dalawang programa, inirekomenda ako ng aking naging mga guro na maging guro rin.
Pagkatapos, Inimbitahan ako ng Dale Carnegie Institute na umattend ng napakahirap at napaka-stressful nilang “Instructors Training” sa loob ng isang linggo. Apat kaming mga “candidate instructors.” Sa umaga, sinanay kaming magmemorya ng lahat ng mga prinsipyong katuruan ni Dale Carngie, sinanay rin kaming magsalita sa harap ng mga tao, at binigyan kami ng puna ng aming tagapagsanay. Sa hapon naman, pinagturo kami sa harapan ng isang “live audience.” In-apply namin sa aming pagtuturo ang lahat ng mga matataas na istandard ng Dale Carnegie, at pinuna na naman kami ng aming guro. Dapat naming iwaksi ang lahat ng aming kamalian, at puliduhin ang aming mga technique. Sinadya nilang gawing napaka-stressful ang aming pagsasanay dahil bahagi ng aming programa ay kung paano namin kokontrolin ang aming balisa at nerbiyos. Dapat lumitaw kaming tunay na mga lider.
Matapos ang mahirap na Instructors Training, inimbitahan naman akong gumawa ng dalawang ulit ng programa bilang “tandem instructor.” Hindi pa ako puwedeng iwanang mag-isa. Dapat ay katulong ko ang isang Senior Instructor at ako ay Junior Instructor. Makalipas ang dalawang takbo ng programang ako ay nagsilbing tandem instructor, saka pa lamang ako binigyan ng titulong “Full Instructor.” Purihin ang Diyos! Sa wakas, naabot ko na ang pinakamataas na antas ng pagka-instructor sa Dale Carnegie. Pinaghawak na nila ako ng sarili kong programa at solong guro na ako. Kada taon, binibigyan kami ng libreng “Refresher” o “Upgrading Course” para laging matalas at moderno ang aming kaalaman at kakayahan. Kada taon din, mayroon silang International Conference ng mga Dale Carnegie Instructors. Um-attend ako ng International Conference sa Charleston, South Carolina. Ang dami kong natutunan. Ang pakiramdam ko, naabot ko na angrurok ng aking paglalakbay para maging isang dinamikong industry trainer. Sinagot ng Diyos ang aking panalangin. (Sundan ang susunod na kuwento). Tandaan: sakakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.
Maaari ninyong mapakinggan si TRex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.
Comments are closed.