“MAPAGMAHAL na magulang, anak ay dinidisiplina, anak na ‘di napapalo, hindi mahal ng magulang.” (Kawikaan 13:24)
Si Haring David ay isang mabuting Hari. Tapat siya sa Diyos. Tinawag siya ng Diyos na “isang lalaking kalugod-lugod sa puso ng Panginoon.” Matapang siyang mandirigma at siya ang namuno sa mga digmaan ng Israel laban sa mga kalaban nito. Isa siyang tunay na kahanga-hangang bayani. Ang problema nga lang, marami siyang naging asawa, at marami rin ang kanyang naging mga anak. Iniutos ng Diyos na huwag dapat magpaparami ng asawa ang isang hari. Isa pang pagkakamali ni David ay ang hindi niya pagsaway at pagdisiplina sa kanyang mga anak. Mahusay mamuno si David sa kaharian, subalit palpak mamuno sa sarili niyang tahanan.
Mayroon pang isang malaking kasalanan si David. Isang araw, habang nakikidigma ang Israel laban sa kaaway, hindi pinamunuan ni David ang hukbo ng Israel. Inutusan lang niya ang kanyang mga commander na sila ang mamuno sa digmaan. Nagpaiwan si David sa kanyang palasyo sa Jerusalem. Isang gabi, nang siya ay nagpapalamig sa bubungan ng kanyang palasyo, nakita niya ang isang napakagandang babaeng naliligo. Siya ay si Bathsheba.
Pinagnasaan niya ang babae kahit na malaman niyang may asawa na ito. Ang asawa ni Bathsheba ay si Commander Uriah na nagtatanggol sa bayang Israel. Pinakuha ni David si Bathsheba. Sinipingan niya ang babae at ito ay nabuntis. Para mapagtakpan ang kasalanan niya, ipinatawag ni David ang asawa ni Bathsheba na si Uriah, nilasing, at inutusang umuwi sa sariling tahanan para sipingan ang sariling nitong asawa. Subalit hindi umuwi ang lalaki; natulog lang siya sa bangketa. Nang tinanong ni David kung bakit hindi siya umuwi para sumiping sa kanyang asawa, sumagot ang lalaki na hindi niya kayang gawin iyon bilang pagmamalasakit niya sa kanyang mga kapwa mandirigma na nasa digmaan at pinagsasapalaran ang kanilang mga buhay para ipagtanggol ang Israel.
May integridad si Commander Uriah. Nang makita ni David na hindi niya makukumbinsi si Uriah na sumiping sa asawa, sinugo niya ito pabalik sa digmaan, at palihim na iniutos sa punong commander na si Joab na pabayaang mamatay si Uriah sa digmaan. Nang mapaslang si Uriah, kinuha ni David si Bathseba at inasawa.
Nagalit ang Diyos sa ginawang ito ni David. Sinugo ng Diyos si Propeta Nathan upang sumbatan ang hari. Nang malaman ni David na hindi nailihim sa mata ng Diyos ang kanyang kasalanan, taimtim siyang nagsisi. Sinabi ng Diyos sa kanya, “Dahil taimtim kang nagsisi, pinapatawad kita; hindi kita papatayin bagamat karapat-dapat kang mamatay dahil sa iyong malaking kasalanan. Subalit mamamatay ang sanggol mo sa sinapupunan ni Bathsheba. At mula ngayon, hindi na mawawala ang tabak sa iyong tahanan.”
Ganoon nga ang nangyari; naging magulo ang pamilya ni Haring David pagkatapos noon. Ang marami sa kanyang mga anak ay naging mga suwail. Ginahasa ng panganay niyang anak ang anak na babae ni Haring David. Pagkatapos ay pinatay ng kapatid ng dalaga ang kapatid na nanggahasa. Nabuntis uli si Bathsheba kay David at ang naging anak nila ay si Solomon, isang batang mabait na kinagiliwan ng Diyos. Ang batang ito ay matalino at masunurin sa magulang at mapagmahal sa Diyos.
Nang matanda na si Haring David, pinili niya si Solomon para maging susunod na Hari ng Israel dahil ito ang pinakamatalino sa lahat ng kanyang mga anak. Subalit nang magkasakit na si David at malapit nang mamatay, isa sa kanyang anak na mas matanda kay Solomon, na ang pangalan ay si Adonijah, ay sumuway sa kalooban ng amang Hari. Hindi nito kinilala si Solomon bilang magiging bagong hari. Dineklara ni Adonijah ang sarili niya bilang bagong hari ng Israel. Sinuportahan siya ng punong commander na si Joab at ng pari na si Abiathar. Hindi alam at walang pahintulot ni David ang ginawa ni Adonijah. Gumawa ng malaking piging si Adonijah bilang pagdiriwang sa kanyang ilegal na pagiging bagong hari ng Israel. Marami siyang inimbitahan sa pagdiriwang, subalit hindi niya inimbitahan ang kanyang kapatid na si Solomon.
Sinumbong ni Propeta Nathan at asawang si Bathsheha ang kataksilan ni Adonijah. Iniutos ni David na madaling ideklara ng buong bayan si Solomon bilang bagong hari. Kinilala ni David at ng lahat ng opisyal ng kanyang pamahalaan si Solomon. Nagkaroon ng malaking pagdiriwang.
Nang marinig ni Adonijah at ng mga panauhin niya ang ingay ng pagdiriwang ni Solomon, natakot sila, at nagsilikas ang mga panauhin. Takot na takot din si Adonijah at pumunta siya sa loob ng Tabernakulo ng Diyos at kumapit sa altar bilang pagmamakaawang huwag siyang patayin ni Solomon. Ipinatawag siya ni Solomon.
Nanikluhod siya sa harapan ng lehitimong bagong hari at nagmakaawa. Pinatawad siya ni Solomon, subalit binalaang kapag gagawa uli ng kaguluhan sa Kaharian, siya ay ipapapatay. Nangako si Adonijah na hindi na siya muling manggugulo. Para yumaman tayo, dapat ay may kapayapaan sa ating tahanan. Kailangang disiplinahin natin ang ating mga anak. Turuan natin silang magkaroon ng takot sa Diyos at pagmamahalan sa isa’t isa bilang magkakapatid.
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)