PARA YUMAMAN GAYAHIN ANG KAHUSAYAN NG MGA TAGA-NETHERLANDS

rene resurrection

HABANG nagtuturo ako sa Unibersidad, may babaeng nagtatrabaho sa National Economic Development Authority (NEDA) na nakiusap sa aking payagan siyang umupo sa aking klase para matuto ng paksang“Evaluation” dahil iyon ang pangunahing trabaho niya sa opisina. Bilang serbisyong-bayan, pumayag ako.  Ang pangalan niya ay Lillian; at nagpasalamat siya sa  akin pagkatapos ng klase.

Samantala, nahihirapan akong magpatuloy sa aking consultancy company dahil ayaw magbayad ng mga posibleng kliyente; ang gusto nila ay tumanggap ng aking serbisyo nang walang bayad.  Ito ay sa kabila n nagpapasuweldo ako sa empleyado at maraming bayarin para patakbuhin ang negosyo.  Naghanap ako ng tiyempo para wakasan ang aking nabigong negosyo.  Sa opisina ko kung saan ako nagtuturo, lahat ng mga boss ko ay nagsasabing talagang mahusay akong guro at gustong-gusto ako ng mga estudyante.  Sabi sa akin ng boss ko, “Ang galing mo magturo, Rex.  Sayang, ang kulang mo na lang ay magkaroon ng Master’s degree dahil mga Master’s students ang tinuturuan natin.”

Kasulukuyan akong nag-aaral ng Master of Arts in Psychology noon. Tamang-tama naman, nag-alok ang gobyerno ng Netherlands sa Filipinas na magpadala ng mag-aaral ng Master’s degree in Development Studies-major in Labor Development sa bansang  iyon.  Sinabi ng boss ko, “Rex, ikaw ang nababagay na pumunta roon.  Irerekomenda ka namin, subalit dapat kang pumasa sa ebalwasyon ng NEDA para mapadala ka.

Iniskedyul akong mainterbyu sa NEDA.  Pagpunta ko roon, dinala ako sa isang kuwarto na may apat na interviewers.  Bago magsimula, may dumating na isa pang babaeng interviewer.  Nakiusap siya sa isang interviewer na siya ang papalit para magpanayam.  Siya ay walang iba kundi si Lillian, iyong babaeng nakiusap na umupo sa klase ko para matuto ng paksang Evaluation.  Si Lillian ang superbisor nilang la-hat.  Siya rin ang namuno sa pagtatanong.  Pagkatapos ng dalawang oras, pinalabas ako ng kwarto.  Pagkatawag sa aking muli, ibinalita na pumasa ako saevaluation.  Ako ang ipadadala sa Netherlands.  Purihin ang Diyos.  Nagkaroon ako ng magandang dahilan at tiyempo para maisara ang nabigo kong consultancy company.  Ang iskedyul ng alis ko papuntang Netherlands ay Setyembre 7; iyon din ang iskedyul ng panganganak ng aking misis sa aming unang anak.  Nakiusap ako sa gobyerno ng Netherlands na bigyan ako ng palugit natatlong araw para makita ko ang aking panganay na anak. Pagdating ng Setyembre 7, ayaw pa ring lumabas ng aming anak, kaya nakiusap kami sa aming doctor na piliting ilabas na ang aming anak.  Nagtagumpay naman siya at nagkaroon kami ng malusog na anak na lalake.  Makalipas ang tatlong araw, dapat na akong umalis papuntang Netherlands.  Umiiyak ang asawa ko dahil maghihiwalay na namannkami.  Napaiyak din ako at nangako sa kanyang bago mag-Pasko ay magsasama kaming lahat sa Netherlands.

Pagdating ko sa Netherlands, sinundo ako sa airport at dinala sa aking tirahan sa Rosseelstraat, sa isang distritong gaya ng Tondo ng Maynila.  Kailangang sumakay ako ng tram (kamukha ng MRT at LRT natin) sa loob ng 30 minuto para makarating sa aking paaralan, ang Institute of Social Studies (ISS), the Hague, the Netherlands.  May dalawampu’t limang estudyante sa aking klase mula sa iba’t ibang bansa sa Asya, Africa, South America, at iba pang bansa.  Nakita kong ang Netherlands ay napakaganda at napakaayos.  Ang mga mamamayan nila ay masisipag, matatalino at matitipid; subalit hindi masyadong pala-kaibigan, maiingay, o magugulong gaya ng mga Filipino.  80% ng bansa nila ay mas mababa kaysa sa dagat (below sea level) dahil hinango nila ang lupain nila mula sa ilalim ng dagat.  Gumawa sila ng mga dambuhalang dike at nilimas nila ang tubig ng dagat, at ang dating ilalim ng dagat ay ginawa nilang lupain at malalawak na sakahan at taniman ng mga bulaklak ng tulip.  Isang kagila-gilalas na obra maestra ng mga inhinyero ang kanilang bansa.  Napakaganda ng kanilang kapaligiran dahil maraming mga gubat, parke at lawa na gawa ng mga matatalinong tao; hindi sila natural (sa Filipinas, lahat ng magaganda nating tanawin ay likas).  Puro gawa ng tao ang mga makikitang kaunlaran sa bansa nila.  Kaya, may kasabihan ang mga taga-Netherlands, “God made the world, but the Dutch made the Nether-lands.”

Ang turo sa paaralan ay ordinaryo lamang. Hindi nalalayo ang pagtuturo nila sa nakababagot na sistemang pagtuturo sa Filipinas. Puro lecture lang sila.  Wala masyadong makabagong metodo.  Karamihan ng mga natutunan ko ay mula sa pagmamasid sa mga kahanga-hangang kaunlarang ginawa nila.  Para makatipid sila sa koryente, gumawa sila ng maraming malalaking windmills.  Gumawa sila ng maraming malalawak na canal na malilinis ang tubig na tumatahak sa iba‘tibang dako ng kanilang lungsod, kaya kamukha ng bayan ng Venice ang mga lungsod nila.  Ang mga gusali nila ay mga “works of art”; binuhusan nila ng pagmamahal at pag-iisip ang lahat ng mga ginawa nila.  Dahil sa katipiran ko, pinayagan ako ng gobyerno nilang makasama ang aking asawa at anak bago mag-Pasko. (Abangan ang karugtong).

Tandaan: Sa kaka­­­­­­­singko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.

oOo

 Maaari ninyong mapakinggan si TRex magturo sa kanyang Youtube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe.  Salamat.

Comments are closed.