PARA YUMAMAN, GUMAMIT NG KAIZEN

rene resurrection

NAG-VACATION leave ako mula sa Unibersidad ng Pilipinas para magtrabaho sa Zuellig Pharma Corporation, isa sa pinakamalaking pharmaceutical company sa Filipinas.  Ang may-ari nito ay dating mamamayan ng Switzerland na napamahal sa Filipinas, kaya kumuha siya ng pagkamamamayangFilipino. Mahusay siyang mangangalakal.  Nag-aangkat siya ng mga dekalidad na produkto mula sa Europa at ibinebenta sa Filipinas. Tatlong libong Filipino ang nabibigyan niya ng trabaho sa  mahigit 20 kompanya.  Marami sa mga ehekutibon niya ay mga mahuhusay na dayuhan.

Ang mga tagapangasiwa (managers) at manggagawa ay mga Filipino.  Nagtrabaho ako sa Departamento ng Human Resources.  Binigyan nila ako ng isang silid-opisina na may sariling telepono.  Nilibot ako ng boss ko sa iba’tibang departamento at ipinakilala sa mga may matataas na katungkulan.  Kinapanayam ko ang Presidente at ang mga matataas na tao upang malaman kung ano ang mga inaasahan nila sa aking posisyon at ano ang mga nakikita nilang pangangailangang pagbabago sa mga kaalaman at kilos ng mga empleyado.

May unyon ng mga manggagawa sa kompanya.  Ang mga superbisor ay nagplanong magtayo ng sarili nilang unyon. Nagulantang ang Presidente at kinapanayam sila kung bakit kailangang gumawa sila niyon samantalang kabahagi sila ng koponang tagapangasiwa.  Sumagot sila na ito ay dahil kung mayroong bakanteng posisyong mataas, kumukuha palagi ang kompanya ng mga tagalabas at hindi mula sa kanilang hanay na matagal na sa kompanya.

Sinabi ng Presidente na kailangang kumuha ng mga ekspertong tagalabas ang kompanya para mapunuan ang mga sensitibong posisyong nabakante at hindi pa handa ang mga superbisor para sila ang mangasiwa sa mga posisyong iyon.  Sumagot ang mga superbisor, “Paano kaming magiging handa samantalang hindi ninyo naman kami sinasanay?”  Natauhan ang Presidente kaya lumikha siya ng posisyong Training and Development Manager; at ako ang pinagpala na makakuha ng posisyong iyon.

Lumikha ako ng iba’t ibang programa para sa iba’t ibang antas ng empleyado.  Ang binigyan ng prayoridad ng Presidente ay ang programa para sa mga superbisor. Binigyan ng approval ang aking programa para sa mga superbisor.  Kumuha ako ng maraming dalubhasa mula sa mga unibersidad at malalaking kompanya para magsanay sa aming mga superbisor.  Dahil gustong-gusto kong magturo at para makatipid ang kompanya, ako ang humawak sa ilang mga paksang aking programa.

Isa sa pinakamahusay kong dalubhasang inanyayahan ay si Doodz, na Executive Director ng kilalang-kilalang programang Dale Carnegie Course.  Isa siyangnapakasigla at dinamikong tagapagsanay.  Pagkatapos ng aking programa, hinihiling ko ang mga kalahok kong magbigay ng ebalwasyon sa aking mga tagapagsalita.  Ang tumanggap ng pinakamataas na ebalwasyon ay si Doodz.  Kaya paulit-ulit ko siyang inimbitahan.  Paghawak niya ng bagong paksa, lalo pa siyang gumagaling.  Lagi siyang gumagamit ng mga makabagong ehersisyo.  Dahil dito, pataas nang pataas ang ebalwayson sa kanya.  Inisip ko sa sarili ko,  “Ibang klaseng tao ito.  Napakahusay niya.  Sana matutunan ko ang sikreto ng kanyang kahusayan.”

Kaya habang kumakain kami, tinabihan ko siya at tinanong, “Doodz, napansin kong pagaling ka nang pagaling sa iyong pagtuturo.  Mayroon ka bang pilosopiyang sinusundan para maging mahusay ka?”  Sumagot siya, “Oo, Rex, mayroon akong simpleng pilosopiya sa buhay.”  Sinabi ko, “Pakibahagi mo naman sa akin para matuto rin ako.”  Sumagot siya, “Ang pilosopiya ko sy ito.  Kahit na ano ang papuri sa iyo ng mga tao na napakahusay mo raw, huwag na huwag mong iisiping ang galing mo na. Ang lagi mo pa ring iisipin ay ‘Paano pa kaya ako mag–iibayo?’”

Humanga ako sa pilosopiya niya.  Simple nga lang subalit punom-puno ng karunungan.  Bigla kong naalala na ito rin ang pilosopiya ng mga Hapon kung bakit sila ay isa sa pinakamaunlad na bansa sa mundo; ang tawag nila sa paniwala nila ay “Kaizen,” na ang ibig sabihin ay “Tuloy-tuloy na pag-iibayo” o “Continuous improvement.”  Ang pakikipagkumpetensiya mo ay hindi laban sa ibang tao, kundi laban sa iyong sarili.  Sa katapusan ng bawat trabaho, suriin mo ang kalidad ng iyong gawa at itanong, “Ano ang mga tamang ginawa ko?  Ano ang mga maling ginawa ko?  Paano ko mapapabuti pa ito?”

Pagkatapos, lahat ng mga ginawa mong tama, ulitin mo at gawing istandard na gawain.  Lahat ng mga making ginawa mo, huwag mo nang uulitin.  At mag-isip ka pa ng mga makabagong kilos para sa susunod na trabaho. Sa kakagamit mo ng prosesong ito, magiging pawala nang pawala ang mga kamalian mo at papulido nang papulido ang kalidad ng iyong trabaho.  Maaabot mo ang resultang “error free” o gawaing walang kamalian.  Inisip ko, “Mula ngayon, ito na rin ang pilosopiya ko.”  (Sundan ang susunod na kuwento).

Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.

oOo

Maaari ninyong mapakinggan si TRex magturo sa kanyang Youtube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe.  Salamat.

Comments are closed.