“ANG lahat ng ito’y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Cristo.” (Filipos 4:13) Ang mga programa namin sa UP-ISSI ay madalas na ginagawa sa gabi lamang, mula ika-6 hanggang ika-9 ng gabi. Ang mga participant namin ay mga propesyonal na nagtatrabaho sa iba’t ibang opisina. Kaya ang panahon nilang um-attend ng mga programa namin ay sa gabi lamang. Ang isa sa pinakamabenta naming programa ay ang Managers Course. Kung minsan ay umaabot sa 50 katao ang lumalahok sa bawat batch ng programang ito. Laging ako ang natatakdang maging Training Assistant.
Nagre-report ako sa isang Project Manager. Ang trabaho niya ay ang magdisenyo ng programa. Inaalam niya ang pangangailangan ng mga participant, ano ang mga problemang kinakaharap nila at ano ang mga layunin nila sa kanilang trabaho. Pagkatapos, gumagawa siya ng curriculum na tutugon sa mga pangangailangan ng mga participant. Siya rin ang nagsasaliksik kung sino ang mga pinakamahusay na dalubhasang tagapagsanay na tatalakay sa mga paksa ng programa. Siya rin ang humaharap sa mga dalubhasa para bigyan sila ng briefing kung ano ang mga pangangailangan at inaasahang matutunan ng mga participant; at siya rin ang nagpapakilala ng tagapagsanay sa mga mag-aaral.
Ang trabaho ko ay gawin ang lahat ng iuutos sa akin ng Project Manager. Ang paulit-ulit kong trabaho ay ang maghanda ng training room, magparami ng handouts o babasahin, maghanda ng mga name tag nila, mag-imbita ng mga participants at tagapag-sanay, at tugunin ang lahat ng mga kahilingan nila. Dahil ilang ulit ko nang pinangasiwaan ang Managers Course, nakabisado ko na ang trabaho ko, pati na rin ang ilang trabahong ginagawa ng boss ko.
Minsan, ang paksa namin sa programa ay “Labor-Management Relations” at ang naimbitahang tagapagsanay ay si Prof. Pete Gatchalian ng UP-Institute of Industrial Relations. Ilang beses kong tinawagan si Prof. Gatchalian tungkol sa kanyang schedule ng pagsasalita. Ilang ulit din siyang nagkumpirma na darating siya. Dapat sana ay haharapin siya ng Project Manager ko at ipakikilala sa audience. Subalit nagmamadali ang boss ko dahil marami pa raw siyang gagawin sa bahay nila. Kaya, sinabi niya sa akin, “Rex, uuwi na ako, ikaw na lang ang bahala sa programa natin mamayang gabi ha?”
Tumugon ako, “Paano po iyong pagpapakilala ng ating panauhing tagapagsanay? ‘Di ba ikaw ang magpapakilala sa kanya?” Sumagot siya, “Ikaw na ang bahala roon. Kaya mo na iyon.” Nagulat ako dahil biglaan ang kanyang pagbigay ng takdang gawain sa akin. Kinabahan ako dahil wala pang nakahandang introduction speech. Dapat madaliin kong gumawa noon dahil isa o dalawang oras na lamang ay darating na ang tagapagsalita. Subalit sa loob ko naman, natuwa rin ako dahil gusto ko talagang maging tagapagsalita, subalit hindi ako nabibigyan ng pagkakataon ng opisina ko kahit na napatunayan ko nang mahusay akong magturo. Kaya tinanggap ko ang hamon. Agad-agad akong pumunta sa mga steel cabinet namin at naghanap ako ng bio-data ni Prof. Gatchalian. Sa kabutihang palad, may nakita ako. Naging guro na pala namin siya noong nakaraang taon, kaya may record kami ng kanyang bio-data. Dali-dali akong gumawa ng one-page introduction speech. Ilang ulit kong prinaktis ang talumpati ko, hanggang halos mamemorya ko na iyon. Pumunta ako sa CR ng lalaki atsa harap ng salamin ay nagpraktis na naman ako.
Dahil sa paulit-ulit kong pagpapa-alala kay Prof. Gatchalian tungkol sa kanyang assignment, maaga siyang dumating. Sinamahan ko siyang kumain ng hapunan. Naupo akong katabi niya at binigyan siya ng briefing tungkol sa background ng mga participant. Nakipag-usap ako na parang ako ang Project Manager. Nang mag-iika-6 na ng gabi, sinabi ko, “Prof, mag-iika-6 na po. Puwede ko na po bang ipakilala kayo sa mga participant? “Wow, magsisimula tayo nang on-time, Rex?” “Opo, sir”, sagot ko.
Dahil sa pananabik kong maging tagapagsalita, buong sigla at panggigigil kong binigkas ang aking talumpati upang ipakilala si Prof. Gatchalian. Tuwang-tuwa ang mga participant, at tawa-sila nang tawa. At naghatid sila ng masigabong palakpakan para i-welcome ang tagapagsalita. Napapailing si Prof. Gatchalian na nagsabi, “Wow! Ito yata ang pinakamagaling na pagpapakilala sa akin na naranasan ko. Salamat, Rex.” At nagsimula na siyang magturo. Pagkatapos nito, wala pa ring nangyari sa akin. Akala ko. Subalit mayroon palang malaking sorpresang naghihintay sa akin. (Abangan ang karugtong).
Tandaan: Sa kaka-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.
Maaari ninyong mapakinggan si TRex magturo sa kanyanfmg Youtube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.
Comments are closed.