ANG sabi ng Panginoon, “Dalhin ninyo nang buong-buo ang inyong mga ikasampung bahagi sa tahanan ng Diyos upang matugunan ang pangangailangan sa aking tahanan. Subukin ninyo ako sa bagay na ito, kung hindi ko buksan ang mga bintana ng langit at ibuhos sa inyo ang masaganang pagpapala.” (Malakias 3:10)
Labis akong nasarapan sa pagnenegosyo. Gamit na gamit ko ang lahat ng aking kaalaman. Gusto kong maging malaking negosyante. Naging agresibo ako. Nagtayo pa ako ng mini-grocery sa tabi ng isang paaralan. May kapartner akong Assistant Principal ng paaralan. Gumawa kami ng mga uniform para sa mga estudyante. Napansin kong maganda pala ang kita kapag may kakilala kang malakas ang impluwensiya sa paaralan.
Napansin kong ang problema pala sa negosyo, nakatuon lagi ang isip mo sa pera. Laging kailangan ng negosyo ng perang pambili ng supplies, hilaw na sangkap, transportasyon, pasuweldo sa tao, buwis sa gobyerno, atbp. Kaya iyong dati kong tapat na pagbibigay ng ikapu sa Panginoon ay hindi ko na magawa. Hindi laging maagang magbayad ang mga customer. Madalas na delayed ang pagbabayad nila. Nakaka-stress talaga ang sitwasyong ito. Laging iniisip kong baka kulangin ang perang pang-kapital sa negosyo. Kaya pala natututong maging maramot ang ilang negosyante. Hindi nagkulang na magpaalala ang Diyos sa akin, “Rex, huwag mong kaligtaang ibigay ang ikapu sa aking tahanan.”
Subalit hindi ako sumunod sa Diyos. Nakipag-argumento ako sa kanya. Ang sabi ko, “Panginoon, kailangan ng negosyo ng kapital. Saka na lang iyang ikapu. pagpalain mo muna ako, pagkatapos, magbibigay ako sa iyo.” Sumagot ang Panginoon, “Rex, maghasik ka, at ikaw ay aani.” Naglaban kami ng tug-of-war (hilahan) ng Panginoon. Siguro makasampung beses akong pinaalalahanan ng Panginoon subalit nagmatigas ako. Nagbigay pa ng babala ang Diyos, “Ang hindi pagbibigay ng ikapu ay pagnanakaw sa Diyos; maaaring magkaroon ng sumpa.” (Malakias 3:8-9) Hindi pa rin ako nakinig. Makalipas ang ilang paalala, biglang dumating sa akin ang isang kalamidad.
May tumawag sa aking isang ka-opisina ko at sinabi niyang naghahanap ang nanay niyang propesor sa Unibersidad ng isang maaaring maging kapartner nila sa negosyo. Mayroon kasing tatlong lalaking taga-Dipaculao, Quirino Province na nagdala ng mga bato mula sa bundok na may mga patak-patak ng ginto. Gusto nilang magtayo kami ng isang Mining Company para mahukay ang mga ginto mula sa bundok nila, at pagbabahaginan namin ang posibleng kita. Edad dalawampu’t lima pa lang ako noon, ngunit may malaking ipon. Gusto nilang ako ang magkapital sa negosyong itatayo naming lima. Saksakan ako nang inosente noong panahong iyon. Pumayag ako sa kaayusang iyon. Hindi ko akalain, bukod sa pagpasok ko ng kapital, ako rin pala ang lalakad ng mga dokumento. Nang pinapirma ko sa abogado ang mga papeles namin, ‘di sinasadyang nabasa ng tatay ko ang papeles at nagtaka siya na bakit pumayag akong ako lang ang magpapasok ng pera. Nang tinawag niya ang aking pansin, nainis pa ako sa kanya at sinabi, “Papa, huwag ninyo na lang po pakialaman ang negosyo ko.” Sumagot siya, “Pinaaalalahanan lang kita, baka niloloko ka nila.”
Nagpatuloy pa rin ako. Nag-claim kami ng 243 ektaryang bundok; ako lang ang nagkapital. Dinala ko sa ilang mining company sa Ortigas district para ipakita ang mga bato. Sinagot ako ng mga mining engineer na kailangang may scientific method sa pagpulot ng bato. Dapat daw ay magkapital ako sa isang mining survey sa bundok ng Dipaculao. Nag-arkila ako ng mining engineer at ako ang gumastos ng biyahe namin paakyat ng bundok. Ako rin ang nagbayad ng pagkain ng aming team – ako, ang inhinyero at ang tatlong taga-Dipaculao na sila kuno ay mga kapartner ko sa negosyo. Malaking pera ang ginugol ko. Naubos ang aking ipon. Grabe ang lungkot ko nang makita kong pinang-iinom ng mga kapartner ko sa alak ang aking pera. Ang galing-galing nilang gumastos dahil hindi naman nila pera. Lumitaw nga na kapag ginamitan mo ng scientific mining survey, wala pala masyadong lamang ginto ang lugar na na-claim namin.
Grabe ang bagsak ng kalooban ko. Nagreklamo ako sa Diyos, “Panginoon, bakit mo ako pinabayaan? Bakit hindi mo pinagpala ang negosyong ito? Bakit hinayaan mong mawala ang pera ko samantalang ang sipag-sipag kong magturo ng Bibliya sa opisina ko at sa lugar ng mga maralitang taga-lungsod?” Sumagot ang Diyos, “Rex, paano kitang tutulungan, gayong ninanakawan mo ako? Dalhin mo ang buong ikapu ng iyong kita sa aking tahanan.” Umiiyak at padabog akong sumuko sa kanya. Sinabi ko, “Sige na nga, mula ngayon ibibigay ko na nang buong-buo ang aking ikapu. Kulangin na ako kung kukulangin!” Mula nang ibinigay ko ang ikapu ng aking kita, hindi ako kinulang. Bagkus ay pinagpala ako ng Diyos. (Sundan ang karugtong).
Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.
oOo
Maaari niyong mapakinggan si TRex magturo sa kanyang Youtube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.
Comments are closed.