PARA YUMAMAN, HUWAG PANGHINAAN NG LOOB

rene resurrection

AKO ang naging presidente ng MBA Toastmasters Club (TMC). Kasabay nito, miyembro rin ako ng Sultan Toastmasters Club. Bukod dito, um-attend pa ako sa iba’t ibang TMC. Gustong-gusto ko talagang mahasa ang aking kahusayan sa pagtuturo at pagtatalumpati.

Ang kalungkutan ko nga lamang, iyong dating presidente ng MBA-TMC na nangakong tutulong sa akin sa pamamagitan ng pagpayo, ni minsan ay hindi na nagpakitang muli.  Sumira siya sa usapan.  Hindi rin niya sinabi sa akin na mawawalan na pala ka-mi ng lugar na pagdarausan ng pagpupulong dahil sa pagpasok ng bagong taon, ang Makati Skyline Restaurant na pinagdarausan namin ng  pagpupulong ay magre-renovate ng restaurant.

Dahil dito, kailangan na naming umalis at humanap ng ibang  lugar.  Nagmana ako ng malaking sakit ng ulo – saan kami magpupulong?  Bukod dito, walang mga bagong miyembrong sumasapi sa club.  Dahil kaunti ang miyembro, napakaliit ng aming pondo.  Bilang bagong presidente na walang kamuwang-muwang, paano ko malulutas ang  problema ng club?  Nakapanghihina ng kalooban ang mga taong balasubas.  Nanalangin ako sa Diyos.  At dumating ang isang ideya sa akin.

Kinausap ko ang boss ko sa opisina, ang AVP ng Human Resources.  Sinabi ko sa kanya, “Boss, ako po ang bagong presidente ng MBA Toastmasters Club.  Isa po itong international na propesyonal na organisasyong naglilinang ng kakayahan  sa komunikasyon, pagtuturo, at pagtatalumpati.  Civic organization din po ito tulad ng Rotary Club o Jaycees.  Makatutulong ang club na ito para sa development ng ating mga empleyado.  Gusto ninyo po bang magkaroon tayo ng Toastmasters Club dito sa ating opisina?”  Sumagot ang boss ko, “E Rex, wala tayong budget para diyan.”

Sinabi ko, “Boss, wala pong gastos ang kompanya natin para magtatag ng club na ito.  Kaming mga miyembro ang bahala sa aming gastusin at membership fee.  Kukuha po ako ng mga batikang Toastmaster bilang resource persons at libreng lahat ito.”  Nagtanong ang boss ko, “Talaga?  Walang gastos ang kompanya natin?”  Sumagot ako, “Opo boss.  Garantisado!  Kailangan lang namin ng kuwarto kung saan kami regular na magpupulong ng isang beses sa kada-linggo.  Kami ang bahala sa gastos sa pagkain, annual fees, at honorarium sa mga resource person.  Iimbitahin ko ang lahat ng mga manager, superbisor at empleyado ng ating kompanya para sanayin sila.  Lilinangin namin ang communication, public speaking at leadership skills nila nang walang gastos ang kompanya.”

Nagulat ang boss ko at nagsabi, “Aba! Kung ganyan ang usapan, napakaganda niyan.  Talagang nakalinya ang layunin ng club sa misyon ng ating kompanya.  Sige, hihingi ako ng opisyal na pahintulot mula sa Executive Committee ng kompanya.”  Nakipagpulong ang boss ko sa pinakamataas na mga opisyal ng kompanya.  Sa sumunod na linggo, pinuntahan ako ng boss ko at sinabi, “Rex, approved ang Toastmasters Club mo. Puwede ninyong gamitin ang Sales Training Room natin mula 6:00-9:00 p.m. kada Lunes.”

Grabe ang kasiyahan ko.  Agad kong ibinalita sa mga miyembro ng club. Sabik na sabik silang lahat.  Inimbitahan ko ang lahat ng mga tao sa aming kompanya.  Nilapitan ko ang lahat ng mga bise-presidente namin para i-promote nila ang club namin sa kanilang nasasakupan.  Marami akong naakit na um-attend.  Mismong ang bise-presidenteng Aleman ng Marketing Division na si Mr. Brueckner ay um-attend din.  Naging barkada ko ang mga butihing empleyado gaya  nina Product Manager Paeng Alvaran, at mga med rep na sina May Ann Ginete at Bernice Quiambao.  Lahat sila ay mahuhusay at tapat na miyembro.  Sila ang naging mga masisipag kong katuwang sa club.  Nagbayad ang mga miyembro ng annual fees kaya nagkapondo kami.

Sumali kami sa District Speech Contest.  Naging first prize winner ng impromptu speech si Bernice.  Naging first runner-up ako ng Prepared Speech Contest.  Ang malungkot nga lang, lumitaw na naman ang maitim na sungay ng politika sa TMC movement.  Inimbitahan namin ang isang kilalang Distinguished Toastmaster (DTM) para maging mentor ng aming club, dahil nga puro bago ang aming mga miyembro at maliit lang ang aming karanasan sa pagpapatakbo ng club at pagsali sa contest.  Subalit walang silbi ang mentor namin.  Wala siyang ibinigay na payo o tulong.  Tiniktikan lang niya ang aming mga istratehiya.  Kasi pala, ang sarili niyang club  ay competitor namin sa district speech contest.  Matapos naming ma-deliver ang talumpati namin sa contest, dalawa ang pinakamatinding magkatunggali – ako at ang contestant ng club ng aming mentor.  Ang mentor namin ay isa rin pala sa panel of judges.  Inimpluwensiyahan niya ang ibang mga judge na paboran ang contestant ng kanyang club.  Makalipas ang matagal na deliberasyon at pagtatalo-talo, ipinahayag nila na ang nanalo sa prepared speech category ay ang contestant ng club niya.  Ganyan talaga ang politika!  Nakapanghihina ng kalooban ang mga taong balat-kayo.  Bahala na ang Diyos sa kanya.  (Sundan ang susunod na kuwento).

Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.



 Maaari ninyong mapakinggan si TRex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe.  Salamat.

Comments are closed.