PARA YUMAMAN, HUWAG TUMIGIL SA PAGLINANG NG KAHUSAYAN

rene resurrection

ANG DAMI kong natutunan sa Dale Carnegie Course. Ito marahil ang isa sa pinakamagandang  programang naimbento ng tao. Tinuruan ako nito ng epektibong komunikasyon, pagtatalumpati sa harap  ng maraming tao, maging isang  nakaeengganyong pinuno,  makipagkapwa-tao, masupil ang aking nerbiyos o takot, magpalawak ng aking nasasakupan, at marami pang iba.

Hindi kataka-taka na marami sa mga matatagumpay na tao sa Estados Unidos at Filipinas ay nagtapos ng kursong ito.  Parang katumbas ito ng apat na taon sa kolehiyo. Ang isang kakayahan, kapag hindi ginagamit, ay unti-unting kakalawangin at malilimutan. Dahil gusto kong maging permanente ang kakayahang natutunan ko sa Dale Carnegie, nag-isip ako ng iba pang kasanayan para maipagpatuloy ko ang paggamit ng mga bagong kakayahan.

Nagkataon naman na sa mga programa kong dinesenyo at pinatakbo para sa aking kompanya, mayroon akong inimbitahang tagapagsanay na ang pangalan ay si Mr. Richard Keeler.  Isa siyang batikangmiyembro ng Toastmaster Club (TMC). Isa itong inter-nasyunal na organisasyon na nagsasanay sa mga tao na maging mahusay na public speaker.  Sa aking palagay, mabuting pagkakataon ito para patuloy kong mahasa ang mga kakayahan kongnatutunan sa Dale Carnegie.  Pagkatapos ng pagtuturo ni Richard sa aking programa, inengganyo niya ang mga participant  ko na sumama sa TMC.  Nilapitan ko siya at sinabi kong gusto  kong mag-miyembro ng TMC.  Tinanong ko kung anong club ang maimumungkahi niya para sa akin.  Nang malaman niyang sa Quezon City ako nakatira, inirekomenda niya ang Sultan Toastmasters Club na nagpupulong sa Aberdeen Court.

Isang araw, pagkatapos ng trabaho sa opisina, nagmadali akong pumunta sa Sultan Toastmasters Club.  Ang kaugalian pala nila, dapat ay um-attend ka muna ng tatlong beses sa pagpupulong nang walang bayad.  Sa ikaapat na pag-attend mo, mag-apply ka ng pagkamiyembro at magbayad ng annual fee.  Ang mga matagal nang miyembro ng Sultan TMC ay mga bihasa nang tagapagsalita, malalakas ang loob, at matataas ang puwesto sa lipunan.  Talagang magagaling sila, subalit dahil sa napakalaki ng kanilang self-confidence, parang mayayabang ang dating nila, kahit hindi naman talaga.  Nakaka-intimidate (nakakatakot) sila sa umpisa.

‘Pag bago ka pa lang na miyembro, ang titulo mo ay “Toastmaster”(TM).  Pagkatapos mong maghatid ng 10 talumpati at binigyan ka ng gradong “pasado” ng iyong evaluator (tagapuna), bibigyan ka ng titulong“Competent Toastmaster” (CTM).  Kapag nakapag-organisa ka ng ibang sangay ng TMC, bibigyan ka ng titulong Able Toastmaster (ATM).  Kapag naabot mo ang ilan pang krayterya, bibigyan ka ng titulong Distinguished Toastmaster (DTM).  Napakahusay na pagsasanay ang TMC; mapupulido talaga ang pagsasalita mo sa harap ng madla.

Mawawala ang nerbiyos at takot sa tao.  Magkakaroon ka ng attitude na pag-abot sa mas mataas na layunin o ambisyon.  Iyon nga lang, napuna ko na ang pagpapahusay sa pananalita ay kaya mong abuting lahat sa titulong CTM.  Ang antas ng ATM at DTM ay medyo may halo nang pamumulitika, at hindi na talaga kahusayan sa pananalita.  Sa puna ko rin, dalawang taon langng aktibong pakikilahok sa TMC ay sapat na para maabot mo ang pinakamataas na kahusayan sapananalita.

Makalipas ang dalawang taon, napansin kong ang marami sa mga miyembro ay nawawalan na ng interes, bagot na bagot na sa pag-attend, sosyalan na lang ang ginagawa at hindi na “total human development”, na siya  kong layunin.  Dahil sa Kristiyano ako, hindi ko rin nagustuhan ang sobrang pamumulitika, bata-bata system, palaksasan, plastikan, intriga at may ilang insidente na pangangalunya sa ilang miyembro.  Hindi kasalanan ito ng TMC; kasalanan ito ng ilang miyembro na walang takot sa Diyos.

Nagustuahn ko ang Sultan TMC dahil talagang mahuhusay ang mga miyembro; ang problema nga lang, ang layo sa aking opisina.  Madalas na dumarating ako sa club na huli na.

Naghanap ako ng club na malapit sa opisina ko sa Makati.  Nabalitaan ko na mayroong MBA Toastmasters Club sa Makati Skyline Restaurant sa ETPI building. At nag-o-offer sila ng libreng Speechcraft Workshop.  Sa loob ng isang linggo, makapaghahatid ka ng limang talumpati at mabilis kang mahahasa.  Sa pagnanais kong humusay sa mabilis na panahon, sumapi ako sa workshop na iyon at nag-imbita pa ako ng limang kaibigan – ang ilan ay taga-opisina ko at ang ilan ay taga-dati kong opisina sa UP.  Napansin kong mahihina pa ang loob ng aking mga kaibigan.  Gusto lang nilang makinig  ng mga katuruan, subalit ayaw nilang maghatid ng talumpati.  Samantala, bigay ako nang bigay ng mga talumpati hanggang matapos ko ang limang speech projects.

Nang magtapos ang workshop, ako ang valedictorian.  At hiniling ng presidente na  magmiyembro ako sa club nila.  Dahil malapit lang sa opisina ko, pumayag ako.  Nang magtapos ang taon na iyon, at kailangang pumili ng bagong club president, ako ang hinilinig nilang magingpresidente.  Ayaw ko sana dahil sabi ko, nag-aaral pa lang ako ng sistema ng TMC.  Subalit nagpumilit sila hanggang pumayag na ako.  Kaya kahit bubot pa lang, naging pinuno ako ng MBA Toastmasters Club.  Ang pangako ng magtatapos na presidente, tutulungan at papayuhan niya ako.  (Sundan ang susunod na kuwento).

Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.



 Maaari ninyong mapakinggan si TRex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe.  Salamat.

Comments are closed.