ITINURO ko sa mga estudyante ko ang mga natutunan ko sa bansang Netherlands. Hindi ko ipinagkait sa kanila ang anumang natutunan ko. Mataas ang respeto ko sa mga estudyante ko dahil mga practitionersila sa industria samantalang kaming mga guro ay mga academician lang. Kaya hindi ko maintindihan kung bakit nagpapaka-terror teacher ang ilang mga kasama kong guro. Sa aking palagay ay pinagtatakpan lang nila ang kawalan nila ng praktikal na karanasan, kaya ganoon ang asta nila. Tinatakot nila ang mga estudyante para huwag hamunin ang kanilang sinasabi. Samantala, ginamitan ko ng mga structured learning exercises (SLE) ang aking pagtuturo.
Ako ang nanaliksik at namuno sa pagpatakbo ng SLE, at ang mga estudyante ang tinanong kong magbigay ng mga aralin mula sa mga ginawa kong pagsasanay. Nagustuhan ng mga estudyante ko ang aking makabagong pamamaraan. Kaya mataas ang evaluation ko mula sa kanila. Subalit lalo lang akong kinainggitan ng mga gurong lihim kong kalaban.
Nagkaroon ng bagong presidente ang UP – isang taong makakaliwa (leftist). Ang makataong dekano ng aming paaralan na si Dekano Gatchalian ay nagtapos ng kanyang unang termino bilang dekano. Puwede pa rin naman siyang mag-ikalawang termino. Nagkaroon ng democratic consultation sa aming paaralan at ang mayoridad sa amin ay mas gustong magpatuloy sa pamumuno si Dekano Gatchalian. Subalit hindi siya pinahintulutan ng bagong presidente. Ang ipinalit sa kanya ay ang isang kapwa guro ko na komunista at kapanalig ng bagong UP presidente. Marami ang nadismaya sa ginawa ng presidente. Hindi niya iginalang ang aming democratic consultation.
May ilang empleyado ang nag-resign, at si Dekano Gatchalian ay nag-vacation leave para tapusin ang kanyang PhD. Ang bago naming dekano ay laban sa itinuturo kong Labor-Management Cooperation. Naniniwala siya sa class struggle ng mga manggagawa. Nang siya na ang aming dekano, walang kaabog-abog na naglitawan ang mga lihim kong kaaway. Nagkaisa silang usigin ako. Mas marami ang sumuporta sa akin subalit mahihina ang kanilang loob; ang mga kalaban ko ay ilang mga guro na kapanalig ng bagong dekano. Nang lumitaw na naman na pinakamataas ang evaluation sa akin ng mga estudyante, lalo silang nanggagalaiti sa inggit sa akin.
Pinupuwersa nila akong magbitiw. Ang sabi ng ilan sa kanila, “Mag-resign ka na. Hindi ka bagay dito. Management boy ka naman e.” Hindi ito totoo. Hindi ako management boy. Hindi nila naunawaan ang panig ko at ayaw nilang alamin. Ang sinusuportahan ko ay ang pagtutulungan ng mga manggagawa at tagapangasiwa para sa kaunlaran ng ekonomya ng Filipinas. Pro-Philippines ako; hindi ako laban sa manggagawa, at hindi rin ako laban sa mga negosyante.
Ang mga negosyante ang nagtatayo ng mga negosyong lumilikha ng mga produkto o serbisyong kailangan ng lipunan, at sila rin ang lumilikha ng mga trabaho. Ang mga manggagawa naman ang direktang gumagawa ng mga produkto o naghahatid ng serbisyong kailangan ng mga customer. Kung walang mga negosyante, walang trabaho ang mga manggagawa. Kung walang manggagawa, walang gagawa ng mga produkto o maghahatid ng mga serbisyo. Ang itinuro kong modelo sa aking mga estudyante ay tinawag kong “Synthesis Model” na ibig sabihin ay dapat lumikha ng sistema sa lipunan kung saan ang interes ng mga manggagawa, negosyante at gobyerno ay lahat natutugunan at walang naiiwanan. 90% ng aming mga estudyante ay nagmumula sa panig ng mga tagapangasiwa, kaya naibigan nila ang aking modelo.
Subalit hindi ito nagustuhan ng aming bagong dekano. Ang gusto niya ay dapat daw iisa lang ang linya ng aming paaralan – ang interes ng manggagawa. Kaya nagbanggaan kami ng paniwala. Gusto niyang patayin ang academic freedom sa aming paaralan. Sumulat ng aklat ang dati naming dekanong si Gatchalian. Pinasulat niya ako ng isang kabanata sa kanyang aklat. Ang sinulat ko ay ang tungkol sa karanasan kong gumamit ng SLE para lalong maintindihan ng mga estudyante ang kagandahan ng pagkakaisa at pagtutulungan. May sindikato sa aming paaralan na gusto akong patalsikin. Inakusahan nila ako ng plagiarism (pangongopya) dahil daw hindi ko binanggit ang pinagmulan ng isang diagram ko sa aking kabanata.
Sa sumunod na imprenta ng aklat, inilagay ko ang pinagmulan ng aking diagram. Subalit ang bago naming dekanong makakaliwa ay nagsampa ng akusasyon ng plagiarism laban sa akin. Kinausap ko siya at ipinakita ko na binanggit ko ang pinagmulan ng aking diagram sa bagong imprenta ng aklat. Nagulantang siya at ang sinabi sa akin, “E, bakit hindi mo ipinaalam sa akin?” Sila itong hindi nagmatyag nang mabuti bago sila nagsampa ng kasonang walang basehan. Nakita kong namatay na ang collegiality (paggalang sa paniwala ng isa’t isa) sa aming opisina.
Naging bastusan na ang kultura namin. Ako ang napagkaisahan ng mga taong walang prinsipyo na gawing “punching bag”. Sinabi ng dati naming dekano na may karapatan akong magdemanda laban sa mga kaaway ko ng administrative charges dahil sa moral damages. Nang kinonsulta ko ang aking asawa at matalik na kaibigan sa opisina, ang payo nila, “Ipasa-Diyos mo na lang, Rex, dahil ang sabi ng Panginoon, ‘Sa akin ang paghihiganti.’” Nalito ako. Ano ang gagawin ko? Gusto kong idemanda ang aking mga kalaban, subalit ang payo ng mga taong malapit sa akin ay huwag. Bagama’t naging bikitma ako ng kawalan ng katarungan, may pakiramdam akong may magandang plano ang Diyos para sa akin. (Abangan ang susunod na kuwento).
Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.
Maaari ninyong mapakinggan si TRex magturo sa kanyang Youtube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.
Comments are closed.