“ANG katiwala’y kailangang maging tapat sa kanyang panginoon.” (1 Corinto 4:2) Para yumaman, kailangang pulido ang trabaho mo. At para maging mahusay ang gawain mo, kailangang tutok na tutok ang isip mo sa iyong ginagawa. Kung hindi, magiging pipitsugin ang resulta mo at hindi matutuwa ang taong tumatangkilik sa iyo. Ito ang ibig sabihin ng katapatan sa trabaho. Kasama sa pagiging tapat ay iyong handa kang magbigay ng dagdag serbisyo sa iyong pinaglilingkuran. Ang tawag dito ay ‘extra mile service’ o ‘bonus service’. Ang ibig sabihin, hindi lang sa tinutupad mo ang tungkulin mo, kundi nilalampasan mo pa ang inaasahan sa iyo, kayang tuwang-tuwa ang iyong amo.
Noong nagtatrabaho pa ako sa isang malaking kompanya sa Makati, naging ugali ko ang magtrabaho nang may ‘extra mile’ at hindi ako umaasa ng dagdag-bayad sa paglilingkod na ito. Naniniwala kasi ako sa turo ng Panginoong Jesus na nagsabi, “Kung pilitin ka ng isang kawal na pasanin ang kanyang dala ng isang milya, pasanin mo iyon ng dalawang milya.” (Mateo 5:41) Tinutupad ko ang talagang trabaho ko at kapag natapos na, nag-iisip pa ako ng puwedeng gawin bilang paglilingkod sa kompanya.
Napansin ko na ang ibang dibisyon ng aming kompanya ay kumukuha pa ng mga mamahaling banyagang resource person para magpatakbo ng teambuilding at motivation talks para sa mga empleyado. Kaya kinausap ko ang mga bise-presidente, “Bakit kumukuha pa kayo ng mga tagalabas para mamuno ng mga programang iyan, samantalang kaya naman ng HRD (ang aking departamento) na gawin ang mga iyan nang walang bayad?” Tinanong ako ng bise-presidente, “Talaga? Kaya mong magpatakbo ng teambuilding, strategic planning workshop at motivational talks?” Ang sabi ko, “Oo na-man.” Kaya ako ang kinuha ng dalawang dibisyon. Nakatipid sa malaking gastos ang kompanya para sa pagbabayad sa mga tagalabas na eksperto. Ginawa ko iyon nang libre bilang tanda ng aking pagmamahal sa kompanya.
Minsan, inimbitahan ako ng Philippine General Hospital (PGH) na mamuno sa isang programa. Nang humingi ako ng pahintulot sa boss ko kung puwede ko bang tanggapin ang paanyayang iyon, ang sabi niya, “Lampas na sa trabaho mo iyan. Hindi mo na kailangang gawin iyan. Pero, tanungin mo ang bise-presidente ng Marketing kung makatutulong ba sa kanila na tanggapin mo ang imbitasyong iyan.” Kaya kinausap ko ang bise-presidente ng Marketing. Ang sinabi niya, “Oo, makatutulong iyan para ma-debelop natin ang goodwill sa napakalaking ospital na iyan. Matagal ko nang gustong maging suki ang ospital na iyan.” Kaya tinanggap ko ang imbitasyon. Tuwang-tuwa naman ang PGH sa aking programa. At ang resulta: Naging per-manenteng kliyente ng aking kompanya ang ospital na iyon mula noon.
Naging aktibo akong miyembro ng Toastmasters Club. Una, naging miyembro ako ng Sultan Toastmasters Club sa Quezon City. Tapos, naanyayahan akong sumapi sa Speechcraft Program na bigay ng MBA Toastmasters Club sa Makati. Nag-imbita pa ako ng ibang mga kaibigan na umattend nito. Naging mahusay ang performance ko sa programang iyon, kaya inimbitahan ako ng club na sumapi sa kanila. Naging dalawa na ang club na sinasamahan ko. Bago magtapos ang taong iyon, hinilingan ako ng outgoing na presidente na ako na ang maging susunod na presidente ng club. Ayoko sanang pumayag dahil kulang pa ang karanasan ko sa club na iyon. Subalit pinakiusapan ako nang matindi ng mga opisyal, kaya pumayag na ako. Pagdating ng susunod na taon, wala na pala kaming lugar na pagdadausan ng club dahil ire-renovate ang lugar. Kaya nag-isip ako ng paraan. Naisip kong magiging malaking pagpapala sa aking kompanya ang magkaroon ng toastmasters club dahil matuturuan ang maraming mga empleyadong maging mahusay na mga tagapagsalita.
Nagpaalam ako sa boss ko kung puwedeng magtayo ng club sa kompanya, subalit sinabi niya, “Wala tayong budget para riyan.” Ang sabi ko naman, “Wala pong gagastusin ang kompanya. Ang kailangan lang namin ay isang kuwarto na pagdadausan ng pulong. Kaming mga miyembro ang bahalang magbayad ng sarili naming membership fee sa International TMC.” Sabi ng boss ko, “Talaga? Walang gastos ang kompanya?” Sabi ko, “Opo.” Nagpaalam ang boss ko sa Executive Committee, at pumayag ito. Kaya nagkaroon kami ng club sa kompanya. Marami ang umattend, pati ang isang bise-presidenteng Aleman.
Sumunod naman, walang mahanap na kuwalipikadong Communications Manager ang kompanya para pangasiwaan ang company newsletter. Sinabi ko sa boss ko, “Kung gusto mo, ako na lang ang mag-editor-in-chief nito.” Ganoon nga ang nangyari at nakatipid ang kompanya sa pag-arkila ng isa pang manager. Dahil dito, binigyan ako ng malaking bonus ng kompanya dahil raw sa aking maraming ‘extra mile’.
Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.”
Comments are closed.