PARA YUMAMAN KALABANIN ANG TUKSONG GUMASTOS

rene resurrection

PUMUNTA ako sa bansang Netherlands para mag-aral ng Master of Arts in Development Studies noong 1985-1986.  Dalawampu’t tatlo kaming mga iskolar naFilipino. Binigyan kami ng gobyerno ng Netherlands ng allowance para sa aming ikabubuhay. Hindi kalakihan; sapat lang para mabuhay kami nang may dignidad.  Inareglo ng aming paaralan na mailagay  kami sa mga dormitoryo ng estudyante.  Nailagay ako, kasama ng tatlo pang Filipino, sa isang bahay-paupahan na  ari-arian ni Mr. Ramdaras; isa siyang Bumbay na mamamayan ng Netherlands.  Napakatipid niya.  Marunong siya sa pera.  May tatlo siyang anak – dalawang lalaki at isang babae.

Nagtrabaho siya sagobyerno at inipon  niya ang suweldo niya. Pagkatapos ay bumili siya ng mga condo at mga bahay-paupahan.  Nakipagkasundo siya sa aming paaralan na ipaupa ang kanyang mga bahay-paupahan sa mga estudyante.  Pinag-aral niya sa mga magagandang paaralan ang kanyang mga anak.  Ang pangalawa niyang anak na lalaki ay guwapo at matalino; pinag-aaral niya sa University of Leiden na isa sa pinakamahusay na paaralan doon.

Miyembro sila ng pamayanang Indyano na nagkakaisa at nagtutulungan.  Nang grumadweyt ang matalino niyang anak, kinausap niya ang  isang amang Indyanong may magandang anak na babae (ala-Miss Universe ang ganda) na nagtapos din sa kolehiyo.  Pinagkasundo nila ang mga anak nila at pinag-asawa.

Sa araw ng kasal, inimbitahan kami ni Mr. Ramdaras sa pista.  Ang daming mga imbitado; halos lahat ng mga Indyano sa bansang Netherlands ay dumalo. Pinatira ni Mr. Ramdaras ang bagong kasal sa pinakamagara at pinakamahal niyang ari-ariang condo.  Ang ganda ng simula sa buhay ng bagong kasal. Ginawa niya ang anak niyang manager ng kanyang negosyong paupahan.

Napansin kong ang magandang ugali at kultura ng mga mayayamang Indyano ay itinuturing nilang tungkulin ng isang mabuting ama ang magbigay sa kanyang anak ng limang bagay:

  1. Mabuting edukasyon
  2. Magandang trabaho
  3. Mabuting asawa
  4. Mabuting tirahan
  5. Kung maaari, magandang sasakyan

Kung gagawin ang limang bagay na ito, siguradong hindi  magiging mahirap ang anak. Gusto kong gayahin ang kaugaliang ito. Tinipid ko ang allowance na ibinibigay ng Netherlands sa akin. Nakapangako ako sa misis ko na bago mag-Pasko ay magiging magkasama kami – ako, siya at ang aming bagong anak.

Nagkayayaan ang mga Filipinong estudyanteng maglakbay at bumisita sa mga kilalang lungsod sa Europa gaya ng Paris, Frankfurt, Barcelona, atbp.  Kahit gusto kong sumama, humindi ako sa imbitasyon dahil kailangan kong mag-ipon ng pera.  Kinalaban ko ang tuksong gumastos alang-alang sa aking pangako sa asawa ko.

Kailangan kong makumbinsi ang kapulisan ng Netherlands na may sapat akong ipon para kaya kong buhayin ang pamilya kong dadalhin sa bansa nila.  Ilang balik ako sa kapulisan at nag-interbyu sila sa akin. Pagbalik ng mga estudyanteng Filipino mula sa pagtuturismo nila, ininggit nila ako.  Ang sabi nila, “kawawa ka naman, Rex, hindi ka sumama sa amin.  Ang ganda ng Paris, Barcelona, Brussels, at Frankfurt.”  Awang-awa ako sa aking sarili. Pero kailangan kong magtiis para matupad ang aking pangako.

Para madagdagan ang aking ipon, nagsilbi akong kargador sa St. John’s Anglican Church. Tuwing Huwebes, ginagawa nilang bazaar ang multipur-pose hall ng simbahan.  Maraming mga lumang damit (gaya ng ukay-ukay) na nakasampay sa mga sampayanggumugulong na nakatago sa bodega.

Inilalabas ko ang mga damit at inaayos ko ang hall para maging mukhang department store ng mga damit. Sinumang nangangailangan ng damit ay maaaring  pumunta at bumili roon.  Kadalasan ay mga dayuhang estudyanteang dumarating para mamili.

Pagdating ng Disyembre, napakalaki ng aking ipon, subalit ayaw pa rin ng kapulisang payagan akong madala ang aking pamilya.  Nanalangin ako sa Diyos.

Sinabi ng Panginoon sa akin na tatanggapin ko ang aking himala sa Disyembre 19, eksaktong isang linggo bago mag-Pasko.  Pagdating ng araw na iyon, tumawag ako muli sa pulis para payagan akong dalhin ang pamilya ko sa Netherlands.  Nang magmatigas pa rin sila, nagsabi ako sa paaralan ko na isusuko ko na ang scholarship ko.

Nagimbal ang aking paaralan, kaya nakipag-usap at nakipag-argumento ang Dekano namin sa mga pulis na payagan ang pamilya ko.  Sa wakas, pumayag na ang mga pulis na makasama ko ang pamilya ko sa Disyembre 24.

Pagdating ng misis ko, nabalitaan ng kanyang dating paaralan sa lungsod ng Delft na nasa Netherlands siya.  Inimbitahan siyang magturo sa dati niyang paaralan sa dalawang programa.

Habang nagtuturo ang misis ko, ako naman ang nag-alaga sa aming anak o kaya ay isinasama ko sa aking paaralan at pinaaalaga sa child care  center ng paaralan.  Kumita nang malaki ang misis ko at idinagdag namin ito sa aming pion. Inggit na inggit ang mga kasama kong Filipino dahil nakasama ko ang pamilya ko samantalang nangulila sila nang labis para sa kanilangmga mahal sa buhay.  Malaki ang pakinabang ng katipiran.

Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.



Maaari ninyong mapakinggan si TRex magturo sa kanyang Youtube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe.  Salamat.

Comments are closed.