“UNAWAIN ninyong mabuti ang inyongnaririnig. Ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamiting panukat sa inyo, at higit pa roon.” (Marcos 4:24).
Akala ko noon ay wala ako masyadong natutunan sa trabaho kong Training Assistant. Inaliw ako ng best friend ko, “Huwag kang mag-alala. Akala mo lang na wala kang natututunan. Mapagtatanto mo balang araw na marami ka palang natutunan.” Paglipat ko sa bago kong opisinang UP-Institute of Industrial Relations(UP-IIR), nalaman kong marami nga pala. Ang bago komg opisina ay isang paaralang nagtuturo ng Master of Arts in Industrial Relations.
Ang mga estudyante namin ay mga propesyonal na nagtatrabaho sa iba’t ibang kompanya o ahensiya ng gobyerno. Sila ay nagiging mga tagapangasiwa ng Kagawaran ng Human Resource Development o mga manager sa kani-kanilang pinagtatrabahuhan. Hindi pipitsugin ang mga mag-aaral namin. Isa sa mga kurso na tinuturo ng paaralan ko ay ang ‘Design and Administration of Training Programs’. Sa kursong ito, matututunan ng estudyante kung paanong magdisenyo ng isang programa ng pagsasanay at magpatakbo nito. Ito talaga ang kasanayang ginawa ko sa dati kong opisina. Dahil sa ilang ulit na akong naging Training Assistant ng iba’t ibang programa, at pati ang trabaho ng boss ko ay ginawa ko rin nang walang reklamo, naihanda akong magturo ng kursong ito.
Ang bago kong boss ay si Professor Daisy, ang pinuno ngGraduate Studies Program ng aming opisina. Siya ang dating guro ng kursong Design and Administration of Training Programs. Kinuha niya akong maging assistant niya; team teaching ang ginawa namin. Ang pakay niya ay ipasa sa akin ang kakayahan at katungkulang patakbuhin ang kursong ito. At dahil nga sa kabisado ko na ang gawaing ito sa dati kong opisina, at dahil mga makabagong metodo ng pagsasanay ang ginamit namin, at dahil paulit-ulit kong napanood ang maraming magagaling na dalubhasang gumamit ng samu’t saring technique at estilo, nagningning ako sa klaseng itinuro namin. Humanga ang boss kong si Daisy at ang mga estudyante sa ipinamalas kong sigla at mga makabagong pamamaraan.
Maganda ang technique na natutunan ko kay Prof. Daisy. Dahil ang paksa namin ay Design and Administration of Training Programs, ang mgaestudyante ang pinagdisenyo niya ng buong kurso namin. Pinag-iisip niya ang mga estudyante na lumikha ng mga layunin ng kurso na dapat naming matupad sa katupasan ng semestre. Nang mailista na ang lahat ng mga layunin (objectives), ang sumunod niyang ginawa ay pag-isipin ang mga estudyante ng pamagat ng mga paksang aabot ng mga layunin. Nakalikha sila ng mga dalawampung paksa (topics)para sa buong kurso namin. Pagkatapos nito, pinagawa naman niya ang mg estudyante ng mga nilalama(content) ng bawat paksa. Pagkatapos nito ay pinabalangkas niya ang mga estudyante ng mga pamamaraan o metodo (methodology) kung paano ihahatid ang mga paksa. Pinagpasiya rin niya ang mga estudyante kung ano ang sapat na haba ng oras (time allocation) para maihatid ang mga paksa, at ano ang pagsusunod-sunod ng mga paksa (schedule). Pagkatapos, pinagdisenyo niya ang mga estudyante ng mga istratehiya para sukatin ang tagumpay ng mga paksa (evaluation strategies). Nang magawa ang lahat ng ito, pinagsama-sama ang lahat ng impormasyon, at ang resulta ay ang buong disenyo ng programa! Nilikha ng mga estudyante mula layuninhanggang panukat ng tagumpay. Pagkatapos, hiniling niyang mag-volunteer ang bawat estudyante kung aling paksa ang gusto nilang ituro sa klase. Ang bawat isa ay pumili ng kanyang paksa. Nakita kong lahat ng mga estudyante ay sabik na sabik sa lahat ng ginawa namin. Hindi namin dinikta sa kanila kung ano ang gagawin namin sa buong semestre; sila ang nagdisenyo ng lahat. Napaka-democratic ng proseso namin. Kaya tuloy, masaya ang mga estudyante at ang pakiramdam nila ay pag-aari nila ang klase.
Nanggilalas ako sa napakahusay na technique ni Prof. Daisy. Sa loob lamang ng tatlong oras, nabalangkas namin ang buong trabaho ng dati kong opisina. Dalawang beses sa isang linggo ang pagtatagpo ng aming klase. Sa mga sumunod na pagkikita, isa-isang nagprisinta ang mga estudyante ng mga paksa nila. Sila ang namahalang magsaliksik ng nilalaman ng kanilang paksa, gumamit ng makabagong pamamaraan at technique ng pagtuturo, maghanda ng mga babasahin, at maghanda ng mga materyales na kailangan sa pagtuturo nila. Kami ni Prof. Daisy ay nagsilbing tagapakinig at tagapuna (evaluators). Pagkatapos ng bawat presentasyon, nagbigay kami ni Prof. Daisy ng puna at mungkahi kung paanong pag-iibayuhin ng estudyante ang kanyang presentasyon. Nagdagdag din kami ng mga sarili naming kaalaman, karanasan at paglalarawan ng mga paksa. Dahil sa technique na ginamit namin, ang daming natutunan ng mga estudyante at nalinang ang kanilang kapangyarihang mag-isip, magbalangkas, magdisenyo at pumuna. Ang tawag diyan ay ‘critical thinking skills’. Diyan kilalang-kilala ang mga estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas. (Abangan ang karugtong).
Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sakakapiso-piso, nakaka-isang libo.
Maaari ninyong mapakinggan si TRex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.
Comments are closed.