NAPAKA-BASIC na maging magaling na communicator para ka umasenso. Kung may trabaho ka, hindi maiiwasang makipag-interact sa maraming tao – boss mo, kapuwa empleyado, mas mababang tao, mga customer, gobyerno, supplier, atbp. Paano ka makapagtatrabaho nang mabuti kung hindi ka mahusay makipag-communicate? Nakalulungkot isipin na bagama’t napaka-basic skill ng pakikipag-usap, sa totoo lang, maraming mga tao ang hindi marunong makipag-usap nang wasto. Kaya maraming problemang pang-komunikasyon ang nagaganap sa mga pagawaan. Ang resulta nito ay bolilyaso! Mali-mali ang nagagawa. Nauuwi ito, siyempre, sa maraming inis at emosyonal na hinagpis.
Magagalit ang mga customer, magagallit ang boss, masisira ang relasyon, mawawala ang teamwork, magkakasakitan ng damdamin, magtatanim ng tampo o galit, at mawawala ang mahusay na daloy ng trabaho sa opisina.
Siyempre, hinahanap ng mga kompanya ang mga taong mahusay makipag-komunikasyon. Ang sabi ni Dale Carnegie, “Ang abilidad na makipag-usap ay ang shortcut para mapabantog ang isang tao. Nilalagay nito ang isang tao sa sentro. Inaangat siya sa ibabaw ng madla. At ang taong magaling makipag-usap ay nabibigyan ng parangal para sa abilidad ng higit sa talagang mayroon siya.” Ang ibig sabihin: Kapag matalino ang isang tao at matinik kung mag-isip, subalit hindi naman magaling magpahayag ng sarili, nakukubli ang talagang galing niya. Samantala, ang taong katamtaman lang ang talino, subalit ang husay naman magpahayag ng kanyang kaisipan, ay nagmumukhang napakagaling at parang napakaraming alam. Talong-talo talaga ang mga taong hindi magaling mag-communicate. Hindi sila nabibigyan ng pagkilala. Napagkakamalan silang walang alam. Kaya para mataas ka sa puwesto sa trabaho, dapat ay maging magaling kang mag-communicate, sa pagsasalita at sa pagsusulat.
Ang Wikang Pambansa ng Filipinas ay Filipino, na nakabatay sa Wikang Tagalog. Sa Saligang Batas natin, nakasaad na dalawa ang ating official languages – Filipino at English. Ang maraming malalaking kompanya sa Filipinas ay pagmamay-ari ng mga dayuhan at ang kinikilalang ‘lingua franca’ (wikang katanggap-tanggap) sa mga kompanyang ito ay English.
Kaya masakit man isipin na kahit na nasa bansang Filipinas tayo, dapat ay maging magaling tayong magsalita ng English (isang wikang dayuhan) kung magtatrabaho ka sa mga malalaking kompanya na nagbibigay ng mataas na pasahod. Kung nais mong maging manager o executive ng mga establisimiyentong ito, dapat talaga ay mahusay ka sa English. Dapat ay magaling kang magsalita at sumulat sa wikang ito. Kaya, pag-aralan mong maging mahusay sa grammar (Balarila) ng wikang Inggles. Pag-aralan mong sumulat sa wikang ito. Dapat marunong kang gumawa ng liham, email o reports at dapat tumpak ang mga pangungusap mo. Kumuha ka ng remedial classes para sa wastong paggamit ng Inggles. Humanap ka ng isang mahusay na tutor na magtuturo sa iyo.
Wala tayong magagawa; tayo kasi ang humahanap at nag-aaplay ng trabaho. Hindi naman papayag ng mga dayuhang may-ari ng mga kompanya na sila ang mag-aral ng wikang Filipino, dahil hindi naman nila magagamit ang wikang ito pagbalik nila sa kani-kanilang bayang tinubuan.
Kaya, kahit parang hindi makatarungan, ‘di bale na, malaking pakinabang naman sa ating mga Filipino ang maging mahusay magsalita ng wikang Inggles. In demand ang mga manggagawang Filipino sa iba’t ibang bansa dahil sa kakayahan nating magsalita sa wikang ito. At isa sa kaakit-akit na katangian ng bansang Filipinas kaya tayo dinadagsa ng mga turista at namumuhunan ay dahil marunong tayong magsalita ng Inggles; hindi sila nahihirapang makipag-uganayan sa mga tauhan nilang Pinoy.
‘Pag mahusay ka sa English, mas malaki ang posibilidad na ma-promote kang maging manager at tataas ang suweldo mo. Paglaki ng kita, lakihan mo rin ang ipon. Ito ang magpapayaman sa iyo.
Tandaan: “Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.”
Comments are closed.