PARA YUMAMAN, LUMAHOK SA MARAMING PROPESYONAL NA ORGANISASYON

rene resurrection

KAPAG estudyante ka, dapat maging mahusay ka sa iyong pag-aaral.  Subalit hindi ka dapat sa academic subjects lang magaling. Dapat ay mahusay ka ring lumahok sa maraming extra-curricular activities para malinang ang Leadership at Human Relations Skills mo.  Noong estudyante pa lang ako sa Unibersidad ng Pilipinas, naging miyembro ako ng maraming mga organisasyon na naghasa sa aking mga kakayahang lagpas sa mga pormal na subjects ng aking kursong Sikolohiya.  Naging napakaaktibo ko saorganisasyong Kristiyano na ang pangalan ay Campus Crusade for Christ (CCC).  Dito nakilala ko nang personal ang Panginoong Jesu-Cristo.  Naging isa akong born-again Christian.

Nagkaroon ako ng katiyakan ng kaligtasan.  Natuto akong magbahagi ng aking pananampalataya.  Um-attend ako ng maraming Leadership Training Institute (LTI) na ginagawa tuwing summer break sa Abril at semestral break sa Oktubre.  Sumali rin ako sa Discussion Group (DG), pagkatapos ay Inner Circle (IC) at pagkatapos ay Cell Group (CG).  Bukod dito, nag-offer din ang CCC ng Institute of Biblical Studies (IBS) na parang summer Bible School o Seminaryo. May tatlong lebel ito at nag-enroll ako sa lahat ng ito. Dahil dito ay lumalim ang aking pagkakakilala sa Diyos at sa mga katuruan Niya sa Bibliya.  Naging isa akong Christian student leader.   Namuno ako ng sarili kong Discussion Group at mahigit anim ang naging regular kong disipulo – sina Noly Dacu-lan, Do Ganzon, EpoyAurelio, Jun Alcabasa, Edel Encarnacion, Mon Santos, at iba pa.

Bukod sa CCC, naging aktibo rin akong lumahok sa State Varsity Christian Fellowship (SVCF)-Psych Christian Fellowship.  Grupo kami ng mga Kristiyanong nag-aaral maging sikolohista.  Ang pinuno namin  ay si Dr. Bolet Bautista.  Pinag-aralan namin kung ano ang katuruan ng Bibliya tungkol sa mga usapin sa larangan ng sikolohiya –  Personalidad, Pag-iisip, Kalooban, Pag-uugali, atbp.Naging aktibo rin ako sa grupong Navigators, na isang grupo ng mga Kristiyano na mahusay magmemorya ng mga talata sa Bibliya at bumisita kami sa mga bilanggo ng Bilibid, mga may sakit sa ospital at mga matatandang abandonado ng kanilang mga anak.

Nagbigay kami ng pagkain, damit, at higit sa lahat ang ebanghelyo ni Cristo sa mga taong nangangailangan.  Naging aktibo rin ako sa grupong Living Circle na pinamunuan ni Pastor Tenefrancia.  Naging aktibong miyembro rin ako ng UP Kung Fu Club.  Ang guro namin ay si Ed Reynoso (aka Wang Shiou Chen) na 6th Dan Black Belt ng Kung Fu.  Nag-aral kami kung paanong mag-tanggol sa aming sarili at sa aming mga mahal sa buhay laban sa mga masasamang-loob.  Kumuha rin ako ng maraming Physical Education (PE) subjects na lampas sa required na apat na aralin.  Natuto ako ng gymnastics, camping, First Aid, at iba pa.

Nang magtrabaho ako sa Makati, sumama ako sa maraming Professional Organizations.  Ang una rito ay ang Drug Industry Group (DIG) kung saan miyembro ang  kompanyang pinagtatrabahuhan ko.  Ang grupong ito ay asosasyon ng mga Personnel Managers ng iba’t ibang  pharmaceutical companies sa Filipinas.  Lagi akong  naging Master of Ceremonies dito dahil sa aking public speaking skills.  Nagkumpara ang mga kompanyang ito ng kanilang mga best practices sa pag-aalaga ng kanilang mga empleyado.  Tumanggap kami ng mga pagsasanay ukol sa pinakamodernong polisiya at programa para sa paglilinang ng mga kakayahan ng mga manggagawa.  Lagi kaming nagpupulong sa Manila Polo Club na pinaka-eksklusibong lugar ng mga mayayaman sa Filipinas. Ang kompanya namin ang nagbayad ng aming membership fee.

Naging aktibong miyembro rin ako ng People Management Association of the Philippines (PMAP).  Ako ang namuno ng Labor-Management Cooperation Committee.  Naging faculty (guro) rin ako ng kanilang Certificate Program on Human Resource Management.  Ako ang laging nagtuturo ng Training of Trainers.  Ang PMAP ay ang pinakamalaking asosasyon ng mga Personnel Managers at Human Resource Practitioners sa bansa.  Nag-imbita sila ng mga tagapagsalita mula sa gobyerno at multinational companies upang magpaliwanag kung ano ang patutunguhan ng industriya sa kinabukasan.  Nagkumpara rin sila ng mga best practices sa larangan ng Human Resource Management.

Naging miyembro rin ako ng Philippine Society for Training and Development (PSTD).  Lagi akong uma-attend ng kanilang mga learning sessions.  Ang grupong ito ang asosasyon ng mga propesyonal na industry trainers.  Pinag-aralan namin ang mga pinakamakabagong techniques sa pagsasanay at pagtuturo ng tao.

Naging presidente ako ng MBA Toastmasters Club; sumali rin ako sa mga pagpupulong ng iba pang club gaya ng Peninsula TMC, Makati TMC, Metropolitan TMC, Ascend TMC, at Meralco TMC.  Dahil dito, nahasa ang aking public speaking skills.  Dahil parami nang parami ang aking kaalaman sa mga makabagong polisiya at techniques, tumaas ang aking mga kakayahan, at dahil dito ay naging handa ako sa mas mataas na posisyon sa kompanya, at karugtong nito ay ang pagtaas ng aking suweldo at kita.

Mas marami kang sasalihang mga propesyonal na organisasyon, mas tataas ang iyong kakayahan; kapag mas mataas ang iyong kakayahan, mas tataas ang iyong kita at mas lalo kangyayaman sa malinis na paraan.

Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.



Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe.  Salamat.

Comments are closed.