NOONG 1989, naging Training and Development Manager ako ng isang Multinational Pharmaceutical Company. Inaasahan ng kompanya na sanayin ko ang mga tauhan ng kumpanya mula manager hanggang rank and file employees. Mayroon kaming limang malalaking division – Sales, Marketing, Operation (Warehouse and Delivery), Finance, and Human Resource Development Department.
Para masimulan ko ang tungkulin ko, kinapanayam ko ang lahat ng mga ehekutibo ng kompanya mula presidente, bise presidente, group sales manager, atbp. Tinanong ko sila kung ano ba ang pangitain nila para sa kompanya at ano ang gusto nilang mangyari sa mga tauhan namin dahil sa mga programang ipatutupad ko. Ang naaalala kong binigyan ng diin ng presidente ay maging mas disiplinado ang aming mga tauhan. Sa kanyang pagmamasid, ang kulang sa mga Filipino ay disiplina.
Ang pinaka-top priority nila na masanay ko ay ang mga area manager namin. Sila ang mga nangangasiwa ng mga salesmen at medical representatives (med rep) namin. Ang kausap ng mga sales people ay ang may-ari ng mga botika. Ang kausap ng mga med rep ay ang mga manggagamot ng bansa. Nagdisenyo ako ng maraming programa. Subalit ang binigyan ng malaking suporta ay ang Area Managers Development Program. Isa siyang mahabang ‘developmental program’ na may apat na modules. Ang module 1 ay tinawag na Basic Management Course. Ang pangalawang module ay Communication Management Program; ang pangatlo ay Advanced Management Course, at ang pang-apat ay Experiential Management Course.
Bawat module ay tatlong araw ang haba. Ang pilosopiya ng programa ay magrerekomenda ang bawat division ng mga taong sasali sa Module 1. Dapat sila ay may ranggong area manager o supervisor. ‘Pag nagtapos na ang mga kalahok, susubaybayan at pagmamasdan sila ng kanilang mga boss (ang mga Sales o Marketing Manager) at iyon lamang participant na gagamit ng natutunan sa Module 1 ang irerekomendang um-attend ng Module 2. Patatakbuhin ko ang Module 2 ng tatlong araw.
Pagkatapos, susubaybayan muli ng mga boss ang performance ng mga area manager na nagtapos ng Module 2; at iyon lamang gagamit ng pinag-aralan ang a-attend ng susunod na mas mataas na module. ‘Pag natapos na nila ang apat na module, isasama sila sa tinatawag na ‘Pool of Potential Managers’. ‘Pag nagkaroon ng bakante sa posisyong Sales o Marketing Manager, iyon lamang kasama sa ‘pool’ ang itataas sa puwesto at ilalagay sa nabakanteng posisyon.
Naghanap ako ng iba’t ibang lugar na pagdadausan ng program – sa Food Terminal Inc. (FTI-Taguig), The Farm House (Batanggas), Imus Sports Club (Cavite), UP Los Banos (Laguna), UP-Diliman, at iba’t iba pang lugar. Kumuha ako ng mga magagaling na industry experts para sila ang humawak at magturo ng mga paksang kasali sa aking programa.
Kumuha ako ng mga batikang manager sa malalaking kompanya tulad ng SGV, Prudential Life, Eastern Telecom Philippines Inc., Zuellig Pharma Corp., Toastmasters’ Club, Dale Carnegie Institute, UP-Diliman, Ateneo de Manila University, Dela Salle University, Asian Institute of Management, Association of Christian Consultants and Trainers (ACTS), atbp.
Tuwing mayroon akong programa, ako ang nagsisilbing Master of Ceremonies at tagapagturo rin. Lagi akong nakikinig sa mga nagtuturo; dahil dito parami nang parami ang aking mga natutunan tungkol sa management. Lagi akong may dalang yellow pad, at dahil marunong akong mag-jet writing, nakuha ko ang lahat ng mga itinuro nila. Isinulat ko rin ang mga exercise at case study na ginamit nila sa kanilang mga paksa kaya dumami ang mga techniques, processes at exercises na nalaman ko.
Dahil ilang ulit kong ipinatupad ang mga programa ko at lagi akong nagmamasid at nag-aaral, lumawak ang kaalaman ko tungkol sa management. Dumating ang panahong kaya ko nang ako ang magpatakbo at magturo ng mga paksang inihatid ng aking mga eksperto. Noong ako ay magpasiyang maging isang entrepreneur-consultant, kaya ko nang ituro ang karamihan sa mga paksang management sa aking mga kliyente.
Sa Module1 ng Basic Management Course, natutunan ko ang Roles and Functions of Managers, Fundamentals of Management, Planning, Problem-solving, Leadership, Motivation, Human Relations, Management by Filipino Values, Labor-Management Relations, Due Process, Positive Work Attitude, at Time Management.
Natutunan ko na ang mga manager pala ay may limang roles sa isang kompanya. Sila ay (1) Representative of the Company – dapat ay nagmamalasakit sila para sa kapakanan ng kompanya dahil ito ang nagpapasuweldo sa kanila; miyembro sila ng Management Team, (2) Organizer of people and resources – dapat ay nagagawa nilang isang epektibong koponan o team na aabot ng mga layunin ng kompanya.
Dapat din ay hindi sila maaksaya sa resources o yaman ng kompanya. (3) Sila ay lider na namumuno sa kanilang mga tauhan. Dapat ay nauunawaan nila ang pangangailangan ng mga tauhan at naihahatid nila sa tagapangasiwa ang hinaing ng mga tauhan. (4) Sila ay educator. Dapat nagtuturo sila sa mga tao nila at naipapasa nila ang naipon nilang karunungan at kakayahan sa kanilang mga tauhan. (5) Sila ay shock absorbet.
Sila ang tagasalo ng hinaing ng mga boss ukol sa mga tauhan at hinaing ng mga tauhan ukol sa mga boss. Dapat ay napapahupa nila ang sama ng loob ng mga boss at tauhan para walang gulo o sigalot sa kompanya, kundi mayroong pagka-kaunawaan.
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)
444495 919288I tried to submit a comment earlier, although it has not shown up. I will remember this. 793929