PARA YUMAMAN, MAGHASIK NG KABUTIHAN

Heto Yumayaman

MAHIWAGA talaga ang buhay.  Mahirap mahulaan ang hinaharap.  Walang nakakaalam ng mangyayari sa kinabukasan. Subalit itinuturo ng Bibliya na “Kung ano ang iyong itinanim ay siya mong aanihin.” (Tingnan sa Galacia 6:7). Walang makakahula nang eksakto kung ano ang mangyayari sa kinabukasan, subalit ang sabi ng Panginoon, ang mangyayari sa bukas ay bunga ng iyong mga kapasiyahan at gawain sa ngayon.

Ang naghahasik ng marami ay aani ng marami.  Ang naghahasik ng kaunti ay aani ng kaunti.  Kung magpupunla ako ng karunungan at mabuting pagtrato sa kapwa-tao, maaapektuhan ko ang kinabukasan ko – marahil na magbubunga ng yaman ang pinunla kong karunungan at maghahatid ng pagmamalasakit mula sa ibang tao ang aking pinunlang mabuting ugnayan.  Ganoon nga ang nangyari sa aking karera bilang Trainer.  Hindi ko akalain na maganda palang impresyon tungkol sa akin ang nabuo sa isipan ng maraming estudyante namin.  Inirekomenda nila ako sa mga kompanya sa Makati.

Samantala, palakas nang palakas ang isang sindikato ng mga masasamang tao laban sa akin.  May konspirasiya na umusbong laban sa akin mula sa ilang taong walang mabuting prinsipyo.  Noong una, tahimik lang sila dahil ang dekano namin ay humahanga sa akin. Pati ang Chair ng Graduate Studies Program ay mataas ang pagtingin sa akin.  Dahil dito, “nagtatago sa ilalim ng lupa ang mga ahas.”  Hati ang mga tauhan ng aming paaralan.  Mas marami ang mga nagmamalasakit sa akin subalit wala silang kapangyarihan.  Kaunti lang ang miyembro ng sindikato subalit may kapangyarihan sila dahil mga guro ang marami sa kanila.  Ang mabubuti naming guro ay wala ring kamuwang-muwang sa mga nagaganap.

Nang matapos ang termino ng aming mabait na dekano, nagkaroon ng “democratic consultation” sa aming paaralan.  Ang mayoridad ay bumoto na ipagpatuloy niya ang pagiging dekano.  Subalit nagkaroon ng bagong Presidente ang Unibersidad ng Pilipinas; siya ay isang maka-kaliwang pangulo.  Kami ng mabuting dekano ay nagpapalaganap ng pagtutulungan ng may-ari ng negosyo at ang mga manggagawa para sa kaunlaran ng Filipinas.  Subalit ang bagong UP president, bilang makakaliwa, ay may pagkiling sa panig ng mga manggagawa at antipatiko siya sa mga namumuhunan.  Kaya nang maupo na siya sa puwesto, hindi niya pinayagang magpatuloy ang mabuti naming dekano.  Inilagay niya sa posisyong dekano ng aming paaralan ang isang guro na kapanalig niya ng ideyolohiya.  Isang komunista ang naging bago naming Dekano.  Napahiya ang mabuting Dekano at nag-sabbatical leave siya para kumuha at magtapos ng kanyang PhD in Mass Communication.  Ang Chair ng aming Graduate Studies Program ay nadismaya sa bagong patakaran ng presidente, kaya nagbitiw siya sa puwesto at nangibang-bayan sa Estados Unidos.  May ilan pang iba na nag-resign dahil sa pagkadismaya.

Nang bago na ang aming dekano, biglang lumitaw ang ulo ng masamang sindikato.  Inusig nila ako at walang tigil sila sa pagdiing mag-bitiw ako bilang guro at magtrabaho sa isang pribadong kompanya sa Makati dahil “Management boy” naman daw ako.  Hindi totoo ang para-tang nila.  Hindi ako panig sa management lang; hindi rin ako panig sa manggagawa lang; ako ay panig sa kanilang dalawa dahil ang paniwala ko ay “Labor-Management Cooperation” para sa kaunlaran ng bansa.

Sa isip-isip ko, “Bakit ako magbibitiw samantalang ako ang pinaka-ibig ng aming mga estudyante at ako ang isa sa may pinakamataas na ebalwayson na guro?”  Sa aking palagay, ang dapat mag-resign ay ang mga tamad na guro na nagpapaka-terror dahil mas magaling ang mga estudyante kaysa sa kanila.

Sa biglang tingin, parang kataka-taka ang nangyayari.  Kung naghasik ako ng mabuting binhi, bakit masamang halaman ang tila tumubo?  Subalit ang hindi ko alam, may magandang plano pala ang Diyos para sa akin.  May isang kompanya sa pharmaceutical industry na ang pinuno ng Human Resource Division (HRD) ay naghahanap ng isang Training and Development Manager (TDM).  Ito ay dahil ang mga Area Manager ng kompanya ay nagreklamo sa Presidente ng kompanya kung bakit hindi sila binibigyan ng pagsasanay para maging mahusay na mga manager na puwedeng maangat sa posisyon ng Sales Manager (dahil kapag may bakante, kumukuha ang kompanya ng mga tagalabas; kaya nagseselos ang mga Area Managers.)

Nagtanong-tanong ang pinuno ng HRD sa mga HRD Director ng ibang kompanya kung may kilala ba silang maaaring maging TDM.  Marami ang nagrekomenda sa akin.  Isang gabi, may dumating na messenger sa aking bahay at sinabi sa akin na may imbitasyon sa akin para sa isang panayam sa kompanyang iyon.  Nagtaka ako at nagsabi, “Ano ito?  Hindi naman ako nag-apply ng trabaho sa kumpanyang iyan.”  Sinabi ng mensahero, “Hindi ko rin po alam, basta inaasahan po kayo bukas para sa interbyu.”  Kinabukasan, nagpunta ako sa kompanyang iyon at kinapanayam ako ng AVP ng HRD.

Sinabi niya, “Ikaw pala si Rex Resurreccion.  Mayroon kasi kaming bagong bukas na posisyon at nagtanong-tanong ako sa industriya at laging pangalan mo ang binibigay.  Puwede ka bang magtrabaho para sa amin?”  Ang suweldo ay limang beses ang laki sa suweldo ko sa UP.

Nagpuri ako sa Diyos dahil sa napakagandang timing ng alok na ito.  Kaya tinanggap ko.

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang Youtube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe.  Salamat.)

45 thoughts on “PARA YUMAMAN, MAGHASIK NG KABUTIHAN”

  1. 399243 745548Spot up for this write-up, I actually feel this excellent internet site requirements a whole lot much more consideration. Ill far more likely be once once again to read considerably more, thank you that information. 983003

Comments are closed.