PARA YUMAMAN, MAGHATID NG EXTRA MILE

rene resurrection

“KUNG pilitin ka ng isang kawal na pasanin ang kanyang dala ng isang milya, pasanin mo iyon ng dalawang milya.” (Turo ni Jesus sa Mateo 5:41).

Gustong-gusto kong magturo at magsanay ng ibang tao.  Nadiskubre kong ito pala ang talento ko mula sa Diyos, subalit hindi ako binigyan ng oportunidad ng opisina ko.  Kahit pa sinabihan sila ng ILO consultant na si Mr. Hurley na ako ay ‘gifted’ sa pagtuturo, kahit na sinabi na ng Project Manager ko na ako ang valedictorian sa Course Leaders Course, kahit na nakita nilang mahusay akong magturo sa pamamagitan ng Bible Study group namin sa opisina na dinudumog ng maraming empleyado at ang lahat ay  nagkokomentong mahusay akong magturo, hindi pa rin ako binigyan ng pagkakataon.  Bakit ganoon?  Sadya bang maraming boss ang bulag o nagbubulag-bulagan.  Totoo ba ang kasabihang Filipino na “Ang pinakamahirap gisingin ay ang nagtutulug-tulugan, at ang pinakamahirap makarinig  ay ang nagbibingi-bingihan?” Ito marahil ang dahilan kung bakit maraming  empleyado ang namamatayan ng motibasyon sa trabaho.

Ang ginawa ko, tuwing break time, umaakyat ako sa tuktok ng aming gusali kung saan walang  ibang tao roon at ang pakiramdam ko ay napakalapit ko sa Diyos. Doon ay nananalangin ako, na kung  minsan ay may kasama pang pagluha.  Ang sabi ko sa Lumikha, “Panginoon, bakit ito lang ang trabahong  ibinigay mo sa akin?  Hindi ka ba nanghihinayang sa akin?  Graduate ako ng B.S. Psychology mula sa isang dakilang unibersidad, at ito lang ang  trabahong ibinigay mo sa akin?  Bigyan mo ako ng mas challenging na trabaho.”  Paulit-ulit kong ginagawa ito.  Nagtatakanga ang ilang kaopisina ko kung bakit pagkatapos mananghalian, bigla akong nawawala.  Hindi nila alam na nakikipagniig pala ako sa Diyos.

Minsan nasabi ko sa matalik kong kaibigan, “Wala akong masyadong natututunan sa trabaho ko.”  Sinabi niya, “Rex, huwag kang mag-alala.  Akala mo lang iyan, na wala kang natututunan, subalit mapagtatanto mo balang araw na napakarami mo palang natutunan.”  Para maging mas makahulugan at challenging ang trabaho ko, lagi akong pumupunta sa mga project manager  ko, “Mayroon ka pa bang gustong ipatrabahosa akin?”  Kaya, nag-iimbento sila ng puwede kong gawin.  Minsan, pati trabaho nila, ako na ang  pinagagawa nila.  Binibiro ng ibang manager ang project manager ko, “Tama iyan, Rex, hingan mo ng trabaho iyang manager mo dahil tamad iyan.” At nagtatawanan sila. Mabilis kong natatapos ang pinagagawa nila sa akin at nauubusan na sila ng ipagagawa.

Marami kaming international programs na ang mga kalahok ay galing sa iba’t ibang bansa.  Madalas tanungin  kami ng training director, “Kailangan natin ng isang emcee para sa opening at closing ceremonies. Sino ang puwedeng mag-volunteer?”  Nagbubulung-bulungan ang mga kapwa empleyado ko, “Bakit ba ako magbo-volunteer diyan, e wala namanc bayad iyan.”  Dahil walang nagbo-volunteer, magtataas ako ng kamay, “Ako na lang ang magbo-volunteer.”  Tuwang-tuwa naman ang director namin dahil mayroong nagpa-uto – ako. Sinanay ko ang sarili ko  sa public speaking.  Lumakas ang loob kong humarap sa maraming tao, magtalumpati at magpatawa.  Nakita kong masayang-masaya ang mga boss at mga dayuhang estudyante namin.  Panay ang papuri nila.

Madalas magsabi ang boss namin, “Gusto ng mga dayuhang participants natin na mag-tourism palibot sa Metro Manila itong Sabado, sino ang puwedeng mag-tour guide?”  Narinig ko na naman ang bulungan ng mga kaopisina ko, “Bakit tayo magbo-voluteer diyan, e wala namang bayad iyan.”  Ako uli ang magbo-volunteer.  Tuwang-tuwa na naman si boss dahil mayroon  na namang nagpauto.  Masarap kaya mag-tour guide – nakakalibre ako ng pasyal sa mga magagandang tanawin sa Metro Manila at karatig-probinsya, libre ang hapunan sa mga 5-star hotel, mayroon pang world-class exhibition ng mga sayaw at awiting Filipino. At natuto ako ng ibang lenggwahe.  Nagpaturo ako ng wikang Arabo sa mga Egyptian, wikang Bahasa mula sa mga  Malaysian, wikang Bengali mula sa mga Bangladeshi, at iba pa.

Dahil dito, tinawag ako ng director naming “Pambato ng Training”. ‘Pag may international project ang opisina namin, at magsasabi ang project manager sa traing director,  “Maselan itong programa ko.   Funded ito ng United Nations.  International ang mga estudyante ko.  Bigyan mo ako ng mahusay na training assistant.”   Ang sagot ng boss ko, “Ganoon ba? Sige, ipadadala ko si Rex.”  Kaya nagkaroon ako ng reputasyong mahusay na training assistant at may magaling na dating sa mga dayuhang estudyante dahil sa aking mga extra mile na gawain sa trabaho.  Ang ibig sabihin ng extra mile ay serbisyong lampas sa inaasahan at lampas sa pangkaraniwan.  Nagbigay ito sa akin ng malakingkahulugan sa nakababagot kong trabaho.  Hindi ko akalain, mayroon palang magandang  plano ang Diyospara sa akin.  (May karugtong).  Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.

oOo

Maaari ninyong  mapakinggan si TRex magturo sa kanyang Youtube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe.  Salamat.

Comments are closed.