“ALAMIN mong mabuti ang kalagayan ng iyong mga kawan, at tingnan mong mabuti ang iyong mga hayupan; sapagkat ang mga yaman ay hindi nagtatagal magpakailanman.” (Kawikaan 27:23-24)
Maraming ginawang proyekto si Haring Solomon. Matatawag siyang isang achiever (maraming gustong matupad). Ang kanyang mga ginawa ay ang templo ng Diyos, ang sarili niyang palasyo, mga parke, ang bakod ng Jerusalem, ang mga bayan ng Hazor, Megiddo, Gezer, Beth-Horon, Baalat at Tadmor, mga lungsod ng bodega na pinaglagakan ng kanyang mga karwahe at kabayo, at marami pang iba. Ang nag-udyok sa kanyang tumupad ng marami ay ang pagnanais niyang pasiyahin ang Diyos.
Mahal na mahal niya ang Panginoon dahil ito ang inukilkil ng kanyang mga magulang sa kanya mula nang bata pa. Kaya ang turo ni Solomon, “Ituro sa bata ang daang dapat niyang lakaran, at hanggang sa paglaki’y di niya ito malilimutan.” (Kawikaan 22:6)
Mabuting may pinagkakaabalahan ang tao dahil nakatutok ang kanyang isip sa isang mabuting layunin. Subalit hindi maganda ang walang ginagawa dahil pumapasok ang maraming tukso at masamang kaisipan. Maganda ang pinagkaabalahan ni Solomon – ang pagtayo ng templo para sa Diyos at maraming mga gusali na may magandang paggagamitan. Nagkaroon ng maraming trabaho ang mga tao, nakakain sila, nabuhay nila ang kanilang pamilya, at umunlad ang bansa. Nagkaisa ang buong bayan tungo sa isang layunin.
Nang matapos ni Solomon ang lahat ng proyektong nilayon niya at naitalaga ang templo sa pangalan ng Diyos, nalugod ang Diyos sa kanya. Ipinakita ng Diyos ang kasiyahan niya sa dalawang paraan. Una, napuno ng makapal na ulap ang templo na siyang tanda ng maluwalhating presensiya ng Diyos; sobra ang kapal ng ulap na hindi makapasok ang sinumang tao sa loob ng templo. Pangalawa, nagpakitang muli ang Diyos kay Solomon sa isang panaginip. Malamang na nakita niya ang mukha ng Panginoong Jesus sa kanyang panaginip.
Dalawa ang layunin ng Diyos sa pagpapakita sa kanya. Una, gusto niyang sabihin kay Solomon na aprobado Niya ang templong ginawa niya at sasagutin Niya ang lahat ng mga panalanging gagawin dito. Pangalawa, gustong magbigay ng babala ang Diyos kay Solomon. Hindi komo tinanggap ng Diyos ang gusaling ito ay maaari nang maghambog si Solomon, lumimot sa Diyos, magkasala, at sumamba sa ibang diyos-diyosan.
Mapanibughuin ang Diyos. Siya dapat ang ating pinakaunang pag-ibig nang higit pa sa sarili, asawa at mga anak. Sinabi ng Diyos sa kanya, “Tinatanggap ko ang templong ito. Sasagutin ko ang lahat ng dalanging gagawin dito. Kung magtatapat ka sa akin kagaya ng iyong amang si David, pagpapalain ko ang bansang ito at lagi kong gagawing hari ng Israel ang isa mong saling-lahi. Subalit kung itatakwil mo Ako at sasamba sa ibang diyos-diyosan, pababayaan ko ang gusaling ito. Gigibain ito ng mga kaaway. Palalayasin ang bayang Israel mula sa lupaing ito. Magiging usap-usapan ng maraming tao ang kawasakan ng gusaling ito, at magtatanong sila, “Bakit winasak ng Diyos nang ganito ang gusaling ito?” At sasagot sila, “Dahil tinalikdan ng mga Israelita ang tunay na Diyos at sumamba sa mga diyos-diyosan.”
Ang kaibigan at kasosyo ni Solomon sa lahat niyang mga proyekto ay si Haring Hiram ng Tiro, Lebanon. Ang kasunduan nila, magsu-suplay ng mga kahoy na cedar at juniper at mga ginto si Hiram, at magsusuplay naman ng mga pagkaing trigo at langis ng olibo si Solomon. Tinupad ni Solomon ang kanyang obligasyon. Subalit may pagka-abusado si Hiram. Bukod sa bayad sa kanya, humingi pa siya ng dalawampung lungsod sa hilagang Israel bilang dagdag-bayad. Hindi tama ito dahil ang pangako ng Diyos sa Israel, “Palalawakin ko ang nasasakupan niyo” at hindi “paliliitin ko ang lupain niyo.” Subalit para hindi niya mapahindian ang hiling ng kaibigan, nagbigay nga ng dalawampung lungsod si Solomon, subalit itinayo niya ang mga ito sa lugar na patapon. Kaya nang pinuntahan ni Hiram ang lugar, sinabi niya, “Ano ba namang mga lungsod ito? Walang kuwenta!” Tinawag ni Hiram ang mga lungsod na iyon na Kabul, na ang ibig sabihin ay “walang halaga.” Marahil na nauwi sa tawanan ang pangyayaring ito at nagpatuloy pa rin ang kanilang pagkakaibigan.
Hindi masyadong napagastos si Haring Solomon sa pagpapagawa ng kanyang mga proyekto dahil maraming mga alipin sa loob ng Israel. Inarkila niya ang serbisyo ng mga aliping ito, hinati sa tatlong lupon, at pinagtrabaho ng isang buwan at pinagpahinga ng dalawang buwan ang bawat lupon. Nagsalit-salit sila sa gawain. Walang Israelita ang alipin; sila ay ang mga opisyal, komander at tagapangasiwa ni Solomon na suwelduhan. Tinupad ni Solomon ang lahat ng mga obligasyon niya sa templo – ang pag-aalay ng mga handog na susunugin para sa Diyos.
Pumasok naman ang magkaibigang Solomon at Hiram sa shipping business. Nagpagawa ng mga dambuhalang barko si Solomon at inarkila niya ang mga mamamayan ni Hiram para maging mga marino ng mga barko; nabigyan niya ng hanapbuhay ang mga mahihirap na mamamayan ni Hiram na nagbayad ng buwis sa kanilang hari. Naglakbay ang mga barkong ito sa silangang Asia, lalong-lalo na sa bansang Ophir (na kinikilala ng ilang iskolar na ito ang lumang bansang Pilipinas) kung saan nabibili ang pinakamainam na uri ng ginto. Pagbalik ng mga barko sa Israel, may dala-dala ang mga ito ng 420 toneladang ginto para kay Haring Solomon. Dahil dito, lalong yumaman si Solomon at ang bansang Israel. Para tayo yumaman, maging achiever tayong kagaya ni Solomon.
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)