PARA YUMAMAN MAGING MAPAGHANAP NG PARAAN

Heto Yumayaman

BINATA pa lang ako noon subalit gusto ko nang magkaroon ng sarili kong tirahan para hindi na ako umaasa at hindi ako maging pabigat sa aking mga magulang.  Alam kong nahihirapan ang aking mga magulang na tumustos sa aming mga anak nila dahilmarami kami.  Labintatlo kaming magkakapatid – siyam ang lalaki at apat ang babae.  Nang halos lahat kami ay sabay-sabay na mag-aral sa kolehiyo, nahirapan talaga ang aking mga magulang.  Ang hirap humingi ng pera mula sa nanay ko para bumili ng mga libro.  Mabuti na lang at pumasa ako sa entrance exam ng Unibersidad ng Piipinas (UP Diliman) at natanggap akp, at mura lang ang tuition na sinisingil sa akin.

Sa isang semestre, aabot lang sa one hundred fifty pesos (P150) ang aking dapat bayaran, samantalang ang  mga kapatid ko ay dapat magbayad ng mahigit isang libo sa kanilang paaralan.  Sa kabila nito, hindi pa rin madaling humingi ng pera sa nanay ko.  Tuwing lalapit ako sa kanya at magsabi, “Mama, puwede ba akong humingi ng pera para pambili ng libro ko?”  Ang isasagot niya, “Hay naku!  Puro gastos!  Puro gastos!”  At tatalikuran niya ako nang hindi nagbibigay sa akin ng anumang halaga.  Dahil sensitibo ako, hindi na lang ako magpupumilit na humingi at humahanap na lang ako ng ibang paraan.  Humihiram na lang ako ng libro mula sa mga kaklase at kaibigan ko.

Napag-alaman ko na ang ate kong si Tita at sister-in-law na si Jennie ay kapwa nag-enrol sa isang JetwritingSeminar para matuto ng stenography o mabilis na pagsulat dahil makatutulong ito para makahanap sila ng trabaho.  Isang linggo silang nag-aral at malaki-laki rin ang binayaran.  Binigyan sila ng apat na aklat para matutunan ang kakayahang ito.  Lumapit ako sa aking nakatatandang kapatid at tinanong kung puwede ko bang mahiram ang mga aklat niya at magse-self study ako ng jetwriting.  Pinahiram naman niya ako.

Binasa ko ang mga aklat niya at ginawa ang lahat ng mga ehersisyo para matuto.  Dahil sa aking determinasyon, natutunan ko ito at naging dalubhasa ako sa loob ng dalawang linggo.  Kaya ko nang maisulat ang lahat ng ile-lecture ng aking mga guro.  Kahit wala akong libro, nasulat ko ang bawat kataga at salita na binigkas ng aking mga guro.  Binasa ko ang aking mga kasulatan ng ilang ulit, kaya parang nakinig ako sa pagtuturo ng aking mga guro nang paulit-ulti.  ‘Pag malapit na ang pagsusulit, binabasa ko nang binabasa ang aking mga kasulatan at nasagot ko ang mga tanong sa pagsusulit.  Ito ang naging paraan ko para magtagumpay sa aking pag-aaral sa unibersidad kahit walang libro.  Dahil dito, hindi na ako naging masyadong pabigat sa aking mga magulang.

Nang magkaroon ako ng trabaho sa UP, pagtanggap ko ng aking suweldo, ibinibigay ko ang 10 porsiyento ng aking suweldo sa Diyos, at isa pang 10 prosiyento sa aking ina bilang ambag sa sa mga gastusin sa bahay namin.  Kahit ayaw tanggapin ng aking ina ang alok ko, pinilit ko pa ring mag-ambag.  Inipon ng nanay ko ang lahat ng inabot ko sa kanya at pagkatapos ay ibinibili niya ng bagong damit para sa akin.

Nang maisipan kong magnegosyo, ang bahay ng aking magulang ang ginawa kong lugar ng aking negosyo.  Nag-arkila ako ng isang sekretarya at doon nag-opisina sa bahay ng aking mga magulang.  Bumibili ako ng maraming handicrafts at ibinobodega ko sa bahay  at ibinebenta ko sa mga exporter.  Sinumbatan ako ng nanay ko dahil nauubos ang espasyo sa kanyang bahay  dahil sa mga produkto kong nakabodega roon.  Hindi ko nagustuhan ang mga salitang binitiwan ng aking nanay.

Nang ako ay magnegosyo ng dressed chickens, inilagay ko ang aking mga manok sa freezer ng aking ina.  Pinuna ng nanay ko ito at madalas siyangmagreklamo, “Ano ba naman itong freezer ko?!  Punom-puno ng mga manok ni Rene!”  Walang sinabing mga salita ng encouragement ang aking nanay tungkol sa aking pagnenegosyo.

Ang ama ko namanay walang sinabi, papuri man o sumbat.  Naramdaman kong hindi magandang sa bahay ng nanay ko ako magnegosyo.  Naisip kong dapat ay magkaroon ako ng sarili kong tirahan para magawa ko ang lahat ng gusto kong gawin sa buhay, kasama na ang pagnenegosyo at pagtanggap ng mga kaibigan ko, kahit na sila ay galing sa lugar ng iskwater.

Kinausap ko ang tatay ko kung puwede ko bang bilhin ang isa sa mga loteng ari-arian niya sa Real Village Number One para makapagpatayo ako ng sarili kong bahay. Subalit sinabi niya sa akin, “Hindi ko puwedeng ibenta sa iyo ang lote.  Magtayo ka ng bahay doon kung gusto mo, pero hindi puwedeng ilagay sapangalan mo ang lote.”  Nadismaya na naman ako sa sinabi ng tatay ko.  Hindi pala puwedeng mailagay sa aking pangalan kahit na bayaran ko.  Kaya naisipan kong humanap na lang ng ibang lote.

May nakita akong lote na medyo kayang bayaran ng suweldo ko nang pautay-utay. Ang  lote ay nasa Villa Grande Subdivision sa Montalban (Rodriquez, Rizal).  Subalit sobra ang layo nito at walang mga sasakyang dumaraan doon at wala pang kahit isang bahay na nakatayo roon.  Mukhang delikado ang lugar, kaya hindi ko tinuloy.  Nanalangin ako sa Panginoon na bigyan ako ng sarili kong tirahan.  Sa kabutihang palad, nagsabi ang  Unibersidad ng Pilipinas na puwede kaming mag-apply ng BLISS unit na ari-arian ng UP.  Naisipan kong mag-apply.    Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.

vvv

Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe.  Salamat.

Comments are closed.