PARA YUMAMAN, MAGING MARUNONG NA TAGAPAYO

Heto Yumayaman

“ANG tao ay masisiyahan sa kabutihan sa pamamagitan ng bunga ng kanyang bibig; at ang mga gawain ng mga kamay ng tao sa kanya’y bumabalik.” (Kawikaan 12:14)

Balitang-balita sa buong mundo ang pambihirang karunungan ni Haring Solomon.  Sabi nga ng salawikaing Pilipino, “May pakpak ang balita, may tenga ang lupa.”  Dahil dito, maraming mga hari ng ibang bansa ay gustong bumisita kay Solomon para mapakinggan ang kanyang karunungan at mga payong solusyon sa marami nilang suliranin.

Napakahalaga ng magkaroon ng karunungang lumutas ng mga suliranin (problem-solving).  Iyan ang hinahanap ng maraming mga nagpapasya (decision-makers).  Ang may ganitong kakayahan ay nagiging mga pinuno ng bansa o kompanya, o kaya ay nagiging mga tagapayo (consultant) nila.

Ano ang ebidensiyang marunong si Solomon at mahusay siyang lumutas ng mga suliranin?  Tingnan ang ebidensiya: siya ay ang pinuno ng isang dakilang emperyo na sumasakop sa maraming bansa mula sa boundary ng Ehipto hanggang sa Arabia, hanggang sa ilog Eufrates, at hanggang sa hangganan ng bayan ng mga Heteo.  Wala siyang kaaway.  Lahat ng mga kalapit-bansa ay kaibigan niya o nakipagkapayapaan sa kanya.

Yumayaman ang maraming bansa dahil sa pakikipagkalakal sa bansang Israel.  Lahat ng mga mamamayan ng Israel ay may sariling bahay at lupa, may bukirin at sakahan, kumakain at umiinom ng may kasiyahan.

Ang mga ginto at pilak ay kasindami ng ordinaryong bato sa Jerusalem; walang halaga ang pilak dahil sa dami nito.

Nagpatayo ng maraming lungsod si Solomon gaya ng Jerusalem, Hazor, Megiddo, Gezer, Beth-Horon, Baalat at Tadmor, mga lungsod ng bodega na pinaglagakan ng kanyang mga karwahe at kabayo, at marami pang iba.  Ang alam ko sa kasaysayan, ang isang hari ay nakapagpapatayo lang ng isang lungsod sa buong panahon ng kanyang paghahari; at sapat na iyon para matawag siyang isang dakilang pinuno. (Halimbawa, si President Manuel L. Quezon ay napabantog dahil siya ang nagtayo ng Quezon City bilang bagong kabiserang lungsod sa Pilipinas).  Subalit si Solomon ay nagpatayo ng higit sa pitong lungsod sa kanyang bansa.  Bukod diyan, nagpatayo pa siya ng mga dakilang gusali gaya ng Templo ng Diyos at ang Palasyo ng Gubat ng Lebanon, at marami pang iba.

Talagang achiever si Solomon.  Mayroon din siyang dakilang hukbo ng sandatahan.  Mayroon siyang 40,000 kuwadra para sa mga kabayo at karwahe; mayroon din siyang 12,000 mangangabayong mandirigma.  Ang mga karwahe ay parang mga tangke de giyera sa panahon ngayon.  Ito ang background ng pagbisita ng Reyna ng Sheba kay Solomon.

Nabalitaan ng reyna ang hindi mapaniwalaang karunungan, kapangyarihan at kayamanan ni Solomon.  Marahil na nanabik siya na mausisa kung totoo lahat ang mga balitang ito.  Siya ay mula sa bayan ng Sheba; ang paniwala ng mga iskolar ang Sheba ay malawak na lupaing sumasakop sa Timog Arabia (Yemen) at Ethiopia na nasa Silangang Africa.  Bilang reyna, marami siyang katanungan at mga suliraning nangangailangan ng kalutasan.  Dumating siya sa lungsod ng Jerusalem na kasama ang isang napakalaking caravan ng mga kamelyo na may dalang ginto, mga pampalasa ng pagkain, at mamahaling bato.

Maluwalhating tinanggap siya ni Solomon.  Tinanong niya ng lahat na mahihirap na katanungan si Solomon, subalit walang katanungang mahirap para sa hari.  Ang isip niya ay higit pa kaysa isang encyclopedia dahil binigyan siya ng Diyos ng pang-unawang makalangit.

Binigyan ni Solomon ang reyna ng lakbay-aral sa kanyang bansa.  Nakita ng reyna ang mga magagarang gusali na tinayo ni Solomon lalo na ang Templo ng Diyos at ang mga palasyo. Pinagmasdan niya ang dami at uri ng pagkain sa hapag ng hari, ang pagkaka-ayos at pag-upo ng mga opisyal, ang dami at ganda ng pananamit ng mga tagapaglingkod, at ang mga tagahawak ng inumin.  Sumama rin siya sa paghahandog ng mga alay na susunugin para sa Diyos sa templo; at nanampalataya siya sa Diyos ng Israel.  Naupo rin siya sa Bulwagan ng Katarungan para mapakinggan ang paghatol ni Solomon sa lahat ng mga problema ng mamamayan.  Napakinggan ng reyna ang mga kahatulan, pagtuturo at pangangaral ni Haring Solomon.  Nanggilalas siya sa maka-diyos na karunungan ng hari.  Hindi niya mapigilan ang kanyang sarili at sinabi niya kay Solomon, “O Haring Solomon, lahat ng nabalitaan kong karunungan at mga nagawa mo, na ang akala ko noong una ay pambihira, ay totoo palang lahat.

Katunayan, ang nabalitaan ko pala ay wala pa sa kalahati ng katotohanan.  Nalampasan ng karunungan mo ang nabalitaan ko.  Napakapalad naman ng mga opisyal mo na napapakinggan araw-araw ang iyong karunungan.  Purihin ang Diyos!  Mahal na mahal ng Diyos ang bayang Israel kaya ikaw ang ginawa niyang hari. Ito ay para mamayani ang katarungan at katuwiran sa iyong bayan.”

Bago umuwi ang reyna, niregaluhan niya si Haring Solomon ng 120 toneladang ginto, napakaraming pampalasa ng pagkain at mga mamahaling bato.  Bilang ganti, binigay ni Solomon sa reyna ang lahat ng kanyang hilingin at maibigan.  Pagkatapos nito, umuwi na sa Sheba ang reyna kasama ng kanyang pulutong.  Para yumaman, maging marunong na tagapayo at tagalutas ng suliranin tayo.

vvv

(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe.  Salamat.