PARA YUMAMAN MAGING MASUNURIN SA MGA TUNTUNIN

rene resurrection

ISANG magandang paraan para yumaman sa malinis na paraan ay ang magkaroon ka ng matatag na trabaho at tuloy-tuloy kang tumatanggap ng kita mula sa opisina mo.  Kahit namamasukan ka lamang, maaari ka pa ring yumaman kung iingatan at pangangasiwaan mong mabuti ang suweldong tinatanggap mo.  Ang unang hakbang sa pagyaman ay dapat mayroon kang steady source of income (isang matatag na pinagmumulan ng kita).  Ang mga taong walang pag-asa sa buhay ay iyong walang trabaho at walang pinagkakakitaan.  Kung ayaw magtrabaho, dapat lang talagang maghirap ang taong iyon.  Kagutuman ay bunga ng katamaran.  Sa mundong ibabaw, bawal ang tamad.

Ngayon, kung may trabaho ka at may suweldo ka, magpasalamat ka sa Diyos!  Mahalin mo ang trabaho mo.  Pahalagahan mo ito.  Hanapin mong maging isang mabuting empleyado. Maging asset (kayamanan) ka sa pinagtatrabahuhan mo. Dapat kang sumunod sa mga tuntunin ng iyong kompanya at ng mga namumuno rito– may-ari, managers, supervisors, at iba pang nagpapalakad nito.  Gawin mong layunin ang mataas ka sa puwesto o ­maging isa ring manager.  Karugtong kasi ng pagkakataas sa puwesto ang pagtanggap ng mas mala­king suweldo.

Kung sumusuweldo ka, dapat ay pag-aralan mo ang wastong pangangasiwa ng pera.  Huwag mong gagastusin lahat.  Gawin mong target ang gumastos lang ng 80% ng iyong suweldo o mas maliit pa.  Matuto kang mag-ipon.  Ang ipon ay pinaaanak nang pinaaanak.  “Lahat ng pera ay babae, nanganganak, dumarami.”  Ilagay mo ito sa mga matatalino at ligtas na puhunan – Time Deposit, Mutual Fund, Trust Fund, T-Bills, Bonds, lupa, negosyo, at iba pa.

Isa sa pinakamainam na paraan para maging matatag ang iyong trabaho at maging tuloy-tuloy ang pagpasok ng kita ay ang maging isa kang professional employee.  Dapat maging napakahusay mo sa trabaho at dapat ay magkaroon ka ng matinding positive work attitude.  Ito ang dalawang aspeto na huhubog sa iyong maging isang professional – kahusayan at pagmamahal sa trabaho.

Kung mag-aaplay ka ng trabaho, hanapin mong maging mabuting tagasunod.  Ang mabuting leader ay nagsisimula muna sa pagiging mabuting tagasunod.  Kung ikaw ay isang rebeldeng empleyado at hindi ka sumusunod sa mga tuntunin ng kompanya, sino namang istupidong kompanya ang magpo-promote sa iyo?  Magiging anong klaseng pinuno ka?  Baka maging isa kang rebeldeng manager na mamumuno sa rebelyon at panggugulo sa kompanya mo.  Magiging masamang halim­bawa ka.  Baka maging para kang isang manager na na­ngangagat sa kompanyang nagpapakain sa iyo.  Baka ikaw pa ang maging sanhi ng paghina at pagsara ng kompanya mo.

Unawain mong ang mga tuntunin ng kompanya ay hindi pinaiiral para pahirapan ang mga empleyado.  Ang dahilan nito ay upang magkaroon ng kaayusan sa pagawaan.  Gaya ito ng mga ilaw trapiko.  Inilagay ba iyon para pahirapan ang mga may sasakyan?  Inilagay ba iyon para lumala ang trapiko?  Hindi. Inilagay iyon para magkaroon ng peace and order sa kalsada.  Tingnan mo ang nangyayari sa mga intersection na walang ilaw trapiko at napakaraming kotse.  Hindi ba’t nagkakabuhol-buhol ang trapiko dahil hindi nagbibigayan ang mga tao?  Maaaring uminit ang ulo ng ilan at mag-road rage (pumutok ang butsi) at mauwi sa suntukan, barilan o patayan.  Marami na tayong nababalitaang mga kaso ng nagkakasakitan o nagkakapatayan dahil sa init ng ulo sa trapiko.

Ganoon din ang mga tuntunin sa opisina.  Pinaiiral iyon para maging maayos ang daloy ng trabaho.  Para walang aberya.  Para tuloy-tuloy ang gawain at matapos ito sa lalong madaling panahon.  ‘Pag mabilis ang trabaho, marami tayong nagagawa at marami tayong napaglilingkurang mga customer na siyang pinagmumulan ng ipasusuweldo sa mga empleyado.

Kaya kung gusto mong maging promotable, kung gusto mong magkaroon ng maliwanag na kinabukasan sa iyong kompanya, maging masunurin ka sa mga tuntunin nito.

Tandaan: Sa kasisingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.