NAG-ARAL ako ng Master in Development Studies sa bansang Netherlands. Mas marami akong natutunan sa pagmamasid ng mga kaunlaran ng kanilang bansa kaysa mga nakababagot na lektura sa paaralan. Nakalulungkot dahil puro mga paksang sosyalismo ang itinuro nila sa amin. May pagpanig sila sa ideyolohiya ng bansang Soviet Union, at tinuligsa nila ang sistemang kapitalismo. Ito ay bagama’t ang kontinenteng Europa ay umunlad dahil sa sistemang kapitalismo. Ayon sa aral ng iskolar na Alemang si Max Weber, ang pinagmulan ng kaunlaran ng maraming bansa sa Europa ay ang Protestant Ethic na nagtuturo sa mga tao ng katipiran sa pera, kasipagan sa trabaho, at pamumuhunan sa negosyo. Nagresulta ito sa pag-usbong ng sistemang kapitalismo.
Naging mataas ang produktibidad ng kanilang mga bansa. Nag-imbento sila ng mga makina para mapabilis ang produksiyon. Nagkaroon ng himagsikang industriyal (industrial revolution) sa Europa, at lumaganap ito sa mga bansa sa Hilagang America, Japon, Australia, atbp. Ito ang naibigan kong pag-aralan. Gusto kong umunlad din ang Filipinas.
Para magtapos kami sa aming Master’s degree, kailangan naming gumawa ng “Master’s Thesis”. Ang naging Master’s Thesis ko ay pinamagatang “Behavioral Analysis of Work Attitude”. Ipinaliliwanag ng aking aral na ang attitude natin sa trabaho ay ang pinagmumulan ng kasipagan at mataas na produktibidad sa trabaho. Masasabi nating ang work attitude ay pagmamahal sa trabaho. ‘Pag mahal mo ang trabaho mo, magiging masipag ka; kapag masipag ka, tataas ang kalidad at produktibidad ng iyong gawain; ‘pag nangyari ito, gaganda ang produksiyon at kita ng kompanya; ‘pag umunlad ang mga negosyo, dadami ang maaarkilang mga manggagawa at tataas din ang mga buwis na ibabayad sa gobyerno. Tataas ang kita ng mga mamamayan at dadami ang mga proyektong pangkaunlaran ng pamahalaan.
Ang bunga nito ay ang kaunlaran ng buong bansa. Mayroon akong gurong adviser na ang pangalan ay Dr. Schiphorst. Sa umpisa, hindi siya gaanong sumuporta sa aking paksa dahil sosyalista siya. Ang mga sosyalista ay mapanuligsa sa sistemang kapitalismo dahil batay sa kasaysayan, naging mapang-abuso ang mga kapitalista sa mga manggagawa. Kaya umusbong at lumaganap ang mga katuruan ni Karl Marx na nagsasabing ang mga kapitalista ay ang kalaban ng mga manggagawa, at dapat pabagsakin ang uring kapitalista at ang mga manggagawa ang mamuno sa lipunan sa tinatawag na estadong komunista, gaya ng bansang Soviet Union.
Kailangan ko ng mga ebidensiya at mga case studies para mapalakas ang pundasyon ng aking thesis. Mabuti na lang at may tapat akong kaibigang tumulong sa akin. Ang isa kong matalik na kaibigan sa opisina ay si Julie. Tinulungan niya akong kumalap ng mga pananaliksik na magagamit ko. Ipinadala niya ang mga araling ginawa ng Meralco Foundation at ilang kompanya tungkol sa work attitude.
Sa pamamagitan ng mga araling ito, napayaman ko ang aking thesis. Dahil dito, pumasa ako sa aking kurso sa Netherlands. Dahil sa katipiran at kasipagan namin ng misis ko, dumami ang aming ipon. Kaya na naming magturista at mayroon pa ring matitirang ipon. Ang ilan sa mga kasama kong Filipino ay halos wala nang maiuuwing ipon dahil naging maluho ang kanilang pamumuhay.
Noong binata pa ako, may kaibigan ako sa simbahan sa Filipinas na nakapag-asawa ng isang mamamayan ng Netherlands; siya ay si Josie. Nang malaman niyang ako at ang pamilya ko ay nasa Netherlands, nag-tourist guide siya para sa amin. Habang nagtuturista kami sa Netherlands, pinatira niya kami sa bahay niya at nilibre sa pagkain. Noong naglilingkod ako sa mga maralitang taga-lungsod sa Filipinas, may nakilala akong isang Assistant Principal ng isang paaralan; siya ay si Teresita.
Nakatuwang ko siya sa paglilingkod sa mga maralita. Nagtrabaho siya sa bayan ng Roma, Italya. Nang magkaroon ako ng maikling bakasyon mula sa pag-aaral ko, inimbitahan niya akong dalhin ang pamilya ko sa Roma, Italya. Kaya sumakay kami ng isang mabilis na tren. Dumaan kami sa Brussels, Belgium; pagkatapos ay sa France; sa mga bundok ng Alps; pumasok kami ng Milan, Italya; hanggang makarating kami sa Roma. Napakabait ng aking kaibigan. Binigyan niya kami ng libreng tirahan at pagkain sa Roma.
Binisita namin ang Vatican City, ang kabisera ng Roman Catholic Church. Nilibre rin niya kaming pumunta sa Interlaken, Switzerland at sumama sa isang Baptist Conference sa loob ng halos isang linggo. Pagkatapos noon, nilibre niya kaming magturista sa Venice.
Nang uuwi na ako ng pamilya ko pabalik ng Filipinas, bumisita kami sa bansang Israel. Tumira lang kami sa mga mumurahing youth hostel, na ang upa ay 6 Shekels (84 pesos) bawat tao kada gabi. Isang linggo kami sa lungsod ng Jerusalem at isang linggo kami sa hilagang Israel. Pag-uwi namin, dumaan kami sa Athens, Greece at nagturista ng isang araw; pagkatapos ay bumalik na kami ng Filipinas. Purihin ang Diyos! Ang sarap ng may mga mabubuti at tapat na kaibigan. Makalipas ang tatlong taon, bumagsak ang bansang Soviet Union dahil nabigo ang sistemang sosyalismo.
Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.
Maaari ninyong mapakinggan si TRex magturo sa kanyang Youtube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.
Comments are closed.