“NAMAMANA sa magulang ang bahay at kayamanan.” (Kawikaan 19:14)
Kung may kakilala kang may kotse subalit nakatira sa isang barong-barong sa squatters area, matatawag mo ba siyang mayaman? Hindi. Kung may sarili siyang bahay ngunit walang sariling sasakyan, maituturing mo ba siyang mayaman? Oo. Kung siya ay umuupa lang sa isang apartment at may sariling kotse, masasabi mo bang mayaman iyon? Hindi. Isang malaking palatandaan na yumayaman ang isang tao ay nagmamay-ari siya ng sarili niyang tahanan. ‘Pag sa kanya ang bahay niya, hindi na siya gagasta para sa renta sa pabahay; makakaipon siya.
Ang ipon niya ay makatutulong para mapag-ibayo niya ang kalidad ng kanyang buhay, o kaya ay magkakaroon siya ng kapital na pampuhunan sa ibang ari-ariang pagkakakitaan. Kung may bahay ka, puwede mong gawin ang bakuran na isang urban farm o garden na lumilikha ng pagkain; puwede mong gamitin ang kusina para sa negosyong food-processing gaya ng tosino, longganisa, hamon, cupcakes, atbp.
Ang garahe ay puwede mong gawing opisina o pabrika ng anumang produktong iyong pagnenegosyohan. (Halimbawa, si Steve Jobs ay nagpasimula ng kanyang pagawaan ng Apple computers sa isang garahe lamang.)
Si Haring Solomon ay ganoon din. Pagkatapos niyang gawin ang templo ng Diyos sa Jerusalem, nagpagawa naman siya ng kanyang tirahan at iba pang mga dakilang gusali. Ang pinakadakila niyang gusali ay ang palasyong “Gubat ng Lebanon.” Ito ang pangalan nito marahil dahil lahat ng mga kahoy na ginamit dito ay mga cedar at juniper na inangkat mula sa gubat ng bansang Lebanon; at ang palasyong ito ay may maraming malalaking haliging mukhang mga puno ng cedar sa gubat ng Lebanon. Ang napakagarang gusaling ito ay may sukat na 50 metro ang haba, 25 metro ang luwang, at 15 metro ang taas. May 45 na bintana ito, kaya napakaliwanag sa loob.
Nagpagawa rin siya ng “Bulwagan ng mga Haligi” na may 25 metro ang haba at 15 metro ang luwang. Sa harap nito ay may malaking beranda na sa harap ay may bubong at maraming haligi.
Bukod dito, nagpagawa rin siya ng Bulwagan ng Katarungan; dito matatagpuan ang kanyang magarang trono. Dito niya dinidinig ang mga hinaing ng bayan. Nagpapasya siya bilang hukom kung sino ang may sala na dapat parusahan at sino ang matuwid na dapat gantimpalaan. Kilalang-kilala si Solomon na mabagsik at makatarungan.
Ang sabi nga ay isang titig lang niya ay nanginginig sa takot ang mga taong masasama. Matindi ang galit si Solomon sa mga sinungaling at bulaang saksi. Ang parusa niya ay ang pagputol sa dila ng mga sinungaling.
Pinarusahan niya ang mga taong hangal sa pamamagitan ng pamalong yantok. Ang turo ni Solomon, “Ang kaharian ay matatag kung ang hari’y makatarungan, ngunit ito’y mawawasak kung sa salapi siya’y gahaman.” (Kawikaan 29:4). Dahil sa bagsik ni Solomon, walang nangahas na mang-abuso o gumawa ng masama.
Kaya tuloy, naghari ang katarungan at kapayapaan sa buong bayan. At ang sabi ng Bibliya, ang lahat ng mga mamamayan ay may sariling bahay at lupa, hardin at sakahan; at namuhay silang may lubos na kaligayahan.
Sana ganito ang maging pinuno ng Pilipinas — may takot sa Diyos, ubod ng dunong, makatarungan, ‘di tumatanggap ng suhol, galit sa mga sinungaling, mabagsik subalit mapagpala sa gumagawa ng kabutihan. Ang mabuting pinuno ay gumagamit ng pamalo para parusahan ang lahat ng mga hangal at mga nagtatarantado.
Bukod dito, nagpagawa rin si Solomon ng maraming pabahay na tirahan niya at ng mga kasapi ng kanyang sambahayan. Ang mga tirahang ito ay nakapalibot sa isang maaliwalas na plaza. Nagpagawa rin siya ng isang espesyal na palasyo para sa asawa niyang prinsesa, ang anak ni Faraon, ang hari ng Ehipto. Nagpagawa rin siya ng mga lungsod ng mga bodega kung saan nakalagak ang kanyang mga kayamanan, pati mga libo-libong kabayo at karwahe. Gumawa rin siya ng mga parke, patubigan, hardin at halamanan ng mga punong-kahoy.
Dahil sa pagmamahal niya sa Diyos, nang matapos na ang pinagawa niyang templong tahanan ng Diyos, nag-arkila siya ng isang dalubhasa sa lahat ng bagay na gawa sa ginto at tanso. Siya ay si Huram na mestisong Judio. Ang nanay niya ay isang balong Judio mula sa tribo ng Naftali at ang ama niya ay isang taga-Tiro, sa bansang Lebanon.
Ang taong ito ay kinasihan ng Diyos at punum-puno ng karunungan. Nagpagawa si Solomon ng samu’t saring gintong kasangkapan para sa templo – mga lampara, palamuti sa pader, hugasan, dambana, mesa, mangkok, atbp. Para maging napakaganda ng templo, nagpagawa si Solomon ng dalawang dambuhalang haliging tanso na inilagay niya sa harapan ng templo. Pinangalanan niya ang isa na Jakin, at ang kabila ay Boaz.
Ako ay naglilingkod sa mga maralitang taga-lungsod. Para makaalpas sila sa pagiging squatter, pinayuhan ko silang tanggapin ang alok ng gobyerno na pabahay para maalis sila sa squatters’ area na tintirhan nila. Marami ang sumunod sa akin, at ngayon ay hindi na sila squatter dahil may sarili na silang bahay. Ang hindi nakinig sa akin ay patuloy na squatter at mahirap pa rin. Sikapin nating magkaroon ng sariling bahay.
vvv
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)