ANG turo ng Panginoong Jesus, “Mangalakal kayo hanggang sa pagdating ko.” (Lucas 19:13, SND Version)
Nagsimula akong magtrabaho bilang Training Assistant sa Unibersidad ng Pilipinas. Ang opisina pala namin ang pangunahing institusyong nagtuturo ng pagnenegosyo sa Asia-Pacific. Itinuturo nito ang Entrepreneurship Development Program (EDP). Ginagamit nila ang modelo ni Dr. David McClelland ng Harvard University sa Estados Unidos. Ipinaliwanag ni McClelland na kaya pala may mga bansang mauunlad sa daigdig ay dahil ang karamihan ng mga tao roon ay may mataas na motibong tinatawag na “Need for Achievement” o pagnanasang umabot ng layunin. At may mga bansang mahihirap dahil ang karamihan ng mga mamamayan nila ay may mababang motibong ito. Ang pangunahing motibo nila ay “Need for Affiliation” o pagnanasang makiugnay sa tao. Hindi masamang may mataas na pagnanasang makiugnay sa tao. Dapat lang naman talagang magkaroon tayo ng pakikipag-kapwa tao. Ang resulta nito ay marami tayong kaibigan, kabarkada, kakilala, at kadamayan. May tutulong sa atin sa panahon ng kagipitan. Subalit kung mahina ang ating pagnanasang umabot ng layunin, wala masyadong mga negosyo sa ating bansa. Nakatiwangwang lang ang mga lupa. Maraming pera sa mga bangkong naghihintay na hiramin para magpatayo ng samu’t saring negosyo. Dahil dito, kaunti lang ang employment opportunities. Para magkatrabaho, kailangang lumabas ng bansa at maging overseas worker. Hindi gumagawa ng sariling produkto ang bansa; kaya laging nag-aangkat ng mga produkto mula sa ibang bansa. Maraming nasasayang na mga likas na yaman (natural resources) na naghihintay na magamit, at laganap ang karalitaan. Masasaya nga ang mga tao, pero mahihirap.
Samantala, ang mga bansang may mataas na pagnanasang umabot ng layunin ay palaging nagtatayo ng mga makabagong gusali, tulay, lansangan, pabrika, malawakang bukiring nagtatanim ng ‘cash crops’. Ang dami nilang surplus products na ibinebenta sa mga dayuhang bansa. Pasok nang pasok ang pera sa kanilang bansa, payaman nang payaman ang lipunan nila, magaganda at malalaki ang kanilang mga gusali, mataas ang uri ng kanilang edukasyon, mataas ang produktibidad ng kanilang mga manggagawa, marami ang employment opportunities. Sa dami ng mga pabrika at trabaho roon, kulang ang bilang ng lokal na mga manggagawa; kaya nag-aangkat pa sila ng mga manggagawa mula sa mga mahihirap na bansa. At dahil sobra-sobra ang kanilang pera, sila ang nagpapautang sa mga bansang kulang sa kaperahan. Ang mga may utang na bansa ay nagbabayad sa kanila ng malalaking interes, kaya lalo pang payaman nang payaman ang dati nang mayayamang bansa.
Kasama sa trabaho ko bilang Training Assistant ang mangolekta at mag-reproduce ng handouts na ibinibigay bilang babasahin sa aming mga participant. Ang gaganda ng mga katuruan ukol sa pagnenegosyo sa aming mga babasahin. Ang ginawa ko ay kumuha ako ng mga sobrang kopya, nilimbag ko na parang aklat, at paulit-ulit kong binasa. Tuloy, naengganyo akong magnegosyo. Natutunan ko na ang mga negosyante pala ang tunay na mga bayani ng lipunan. Sila ang lumilikha ng trabaho, produkto, serbisyo, at kayamanang panlipunan. Sila rin ang nagbabayad ng mga buwis sa gobyerno. Sila ang nagbibigay ng hanapbuhay sa maraming tao, nagpapasuweldo at bumubuhay sa mga pamilya ng mga manggagawa. Kung walang negosyante, walang trabaho. Kung walang trabaho, walang hanapbuhay ang mga mamamayan. Hindi nila kayang mapag-aral at mapakain nang wasto ang kanilang mga mahal sa buhay. ‘Pag walang negosyante, wala ring magbabayad ng malaking buwis sa gobyerno. ‘Pag walang buwis, walang kita ang gobyerno. ‘Pag nagkaganito, walang pansuweldo sa mga kawani ng pamahalaan. Kailangan ngayong umutang ng pera sa mga mayayamang bansa. Maaaring mabaon sa utang ang bansa. Ang magbabayad nito ay ang susunod nilang saling-lahi.
Nakumbinsi akong magnegosyo. Nanalangin ako, “Panginoon, gawin mo po akong isang matagumpay na negosyante.” Nagtayo ako ng PTL Handicrafts na kapartner ang isa kong matalik na kaibigang Kristiyano. Binibili namin ang mga handicrafts na gawa ng mga bilanggo sa Bilibid. Pagkatapos ay ibinebenta namin sa mga malalaking exporter ng handicrafts sa Estados Unidos at Europa. Nag-arkila kami ng isang office assistant. Ako ang kapitalista, ang partner ko ang namamahala sa marketing. Pina-re-gister namin sa Bureau of Domestic Trade ng Department of Trade and Industry. Nagparehistro rin kami sa BIR para mayroon kaming opisyal na resibo. Itinayo namin ang negosyong ito sa bahay ng aking ama. Supportive naman ang aking ama. Subalit ang nanay ko ay laging nagrereklamo dahil sa bahay niya binobodega namin ang mga produkto, at nauubos ang espasyo sa bahay. Patuloy pa rin akong nagtrabaho sa opisina ko sa UP. Nagtinda rin ako ng mga produkto tulad ng dressed chickens, itlog, tosino, longganisa, hamon, cupcakes, at marami pang iba. Nasarapan ako sa pagnenegosyo. Gamit na gamit ko ang aking mga kakayahan. Napagtanto ko na: “’Pag empleyado, sobra-sobra ang pinag-aralan mo; kung negosyo, kulang na kulang ito.” (Sundan ang karugtong).
oOo
Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.
Comments are closed.